Together again: Vlogger na si Camille Trinidad ng JaMill, nakipag-ayos na sa nobyong si Jayzam Manabat




Larawan mula sa Instagram post ni Camille Trinidad
  • All is well na para sa magkasintahang vloggers na sina Camille Trinidad at Jayzam Manabat o mas kilala bilang JaMill
  • Patuloy na kasi ang pagpo-post ng dalawa sa kanilang Instagram account ng kanilang larawang magkasama
  • Matatandaang kinumpirma ng dalawa ang paghihiwalay nila dahil sa pangangaliwang ginawa ni Jayzam

Pinag-usapan ng mga netizens ang naging paghihiwalay ng vloggers na sina Camille Trinidad at Jayzam Manabat na mas kilala bilang JaMill. Inabangan ang bawat detalye ng kanilang naging paghihiwalay kabilang na ang pambababae ni Jayzam.

Nang magharap-harap na sa programang Wanted sa Radyo ni Raffy Tulfo, dito na buong loob na inamin ni Jayzam ang nagawang pagkakasala sa nobya. Humarap din ang mga babaeng involved at dito ay ibinuhos ni Camille ang kanyang sama ng loob.

Larawan mula sa Instagram post ni Camille Trinidad

Gayunman, ilang araw matapos ang kontrobersyal na paghaharap at hiwalayan, tila mas pinili ni Camille na bigyan pa ng isang pagkakataon ang kaparehang si Jayzam.

Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Camille ang isang larawang pahiwatig na maayos nang muli ang samahan nila ni Jayzam.

“Bible time,” ito ang maikli ngunit makabuluhang caption ni Camille sa kanyang post kalakip ang larawan ng Bibliya at ang kamay nila ni Jayzam. Hindi man pinangalanan ni Camille kung kaninong kamay ang nasa larawan, kilala naman ito ng fans dahil sa tatt00 nito.

Maliban dito, nakikita na rin si Jayzam na nagpo-post muli ng larawan nila ni Camille ilang araw matapos mapabalitang hiwalay na sila. May makabuluhang maikling mensahe rin si Jayzam sa kanyang post na “look forward” na tila sinasabing handa silang kalimutan ang lahat ng nangyari.

Dahil dito, maraming fans ng vlogging duo ang natuwa. Ayon sa kanilang mga tagahanga, miss na raw nila ang pagpo-post ng vlog ng dalawa na talaga namang nagbigay sa kanila ng aliw. Hanga rin daw sila sa pagmamahal ni Camille sa nobyo na nagawa pa itong patawarin sa kabila ng pagkakamali nito.

Larawan mula sa Instagram post ni Camille Trinidad

Gayunman, may ilan namang hindi mapigilang magpaabot ng kanilang opinyon tungkol sa naganap na hiwalayan. Para sa iba, tila naging publicity stunt lamang ang paglabas ng balitang hiwalay na sila.

Ayon naman sa ilan, maaari namang magpatawad talaga lalo na’t mahal mo ang isang tao kaya hindi naman imposible na magbalikan ang dalawa. Pahayag pa nga ng ilan, mas nanaisin daw ng Diyos na magbigay tayo ng pagpapatawad.