Sorbetes ititinda ng isang Pinoy chef sa New York City




Public Domain Image
  • Naisipan ng isang Pinoy chef na magtinda ng sorbetes sa New York City, USA
  • Bahagi ito ng paggunita ng Araw ng Kalayaan
  • Keso at ube ang mga flavors na ihahain nila

Dinala at ipinakilala ng isang Pinoy chef sa New York City sa Amerika ang isa sa mga paboritong dessert ng mga Pilipino—ang sorbetes o tinatawag ding ‘dirty ice cream’ na inilalako ng Mamang Sorbetero sa iba’t ibang lansangan, sa pamamagitan ng ice cream cart, na may kasama pang maliit na batingaw.

Balak ni Pinoy Chef VJ Navarro na ilunsad ito sa sikat na Times Square at ilang mga bahagi ng New York City sa Hunyo 12, 2021 bilang paggunita at pagpupugay sa Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, at pagdiriwang na rin sa kultura ng mga Pilipino. Proyekto ito ng ‘So Sarap NYC’ at ‘Kabisera Cafe,’ isang Filipino cafe sa New York City.

Public Domain Image

Ayon kay Chef, lumaki raw siyang hinahanap-hanap at kinakain ang sorbetes, dahil sa kaniyang lolo. Ito raw ang naging inspirasyon niya upang itulak ang proyektong ito.

“Lumaki po ako sa Pilipinas kung saan palagi po kaming nililibre ng lolo namin ng dirty ice cream kapag may dumadaan sa aming kalye… naalala ko po ‘yung sarap ng ice cream habang nag-eenjoy kasama ang buong pamilya,” aniya.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“For sure, pang-world class din iyong lasa ng dirty ice cream diyan. Proud to be Pinoy! Pero may opinyon lang ako, sana tanggalin na lang yung ‘dirty’ kasi pakiramdam ko, masyado ninyong pinabababa ang kalidad at gawa ng mga kababayan natin na nagbebenta sa lansangan,” opinyon ng isa.

Saloobin naman ng isa, “Wow! Ang galing talaga ng mga Pilipino, sana next time balut, penoy at itlog na maalat naman ang pagulungin ninyo diyan sa New York!”

Public Domain Image

“Magugustuhan ng mga Kano ‘yan. Feeling ko nga kahit magbenta ng taho diyan magugustuhan din ng mga Kano ‘yung lasa. Isa pa, maraming mga Pilipino diyan, syempre, mas mararamdaman nila na para bang nasa Pilipinas sila,” sabi naman ng isa.

Keso at ube raw ang flavor na ilalabas nila sa Hunyo. Tiyak na magiging patok na patok ito!

Samantala, panoorin ang video nito mula sa Facebook page na ‘So Sarap NYC:’