Relate ka ba? Netizens binalikan ang nabuong pagkakaibigan kahit isang araw lang sa mga batang nakasabay sa pool




Larawan mula sa Facebook post ni Zedrix Avecilla at Pexels
  • Binalikan ng mga netizens ang nabuo nilang pagkakaibigan sa mga batang nakasama noon sa swimming pool
  • Tila normal na kasing may maging random friends ka sa mga batang nakakasama sa pool
  • Ngunit pagkatapos nito, tapos na rin ang kanilang pagkakaibigan at hindi na magkikita kailanman

Ngayong panahon ng summer, tiyak ay marami sa atin ang gustong-gusto nang magbabad sa swimming pool at mag-organisa ng outing. Gayunman, hindi ito pupuwede sa ilang lugar dahil pa rin sa pandemya.

Kaya naman ang ilang kabataan noon ay nagkasya na lamang sa pagsariwa at pag-alaala sa kanilang mga naging karanasan sa mga napuntahang resort at swimming pool.

Larawan mula sa Facebook post ni Zedrix Avecilla

Ibinahagi ng netizen na si Zedrix Avecilla ang isang larawan na nagbalik ng panandalian ngunit matatamis na alaala ng mga batang kasama sa outing noon.

Ayon sa viral post, halos lahat daw tayo ay mayroong naging kaibigan sa resort o pool habang nagtatampisaw tayo na hindi man lang natin nakuha ang pangalan o naging kaibigan nang pangmatagalan.

“POV: You become friends with other kids you never saw again,” pahayag ni Zedrix sa post kasama ang larawan ng isang swimming pool na may slide. Agad namang naka-relate ang maraming netizens kaya nag-trending din online ang post.

Habang isinusulat ang istoryang ito, umabot na sa 13,000 reactions at 40,000 shares ang nasabing post. Naibahagi rin ang post sa Facebook group na We are 2k – Ang Dekada 2000s ang nasabing larawan kung saan may ilang miyembro ang nagbahagi ng kani-kanilang karanasan.

Pinatunayan nila na legit ang nasabing post. Ayon sa kanila, talaga raw magkakaroon ka ng random friends sa pool habang nagtatampisaw kayo. Minsan, magkakaayaan pa raw magpaunahang lumangoy o mag-slide kung mayroon man.

Larawan mula sa Pexels

Sabi naman ng ilan, mayroon din daw silang mga naging saglitang kaibigan sa pool na nagturo sa kanilang lumangoy. Ang ilan nga, ngayon nila naiisip ang naging kalaro at kaibigan sa pool at gusto nila itong makilala.

Pahayag naman ng ilan, maging sa mga playground at play area ng ilang kilalang fast food restaurants ay nakabuo rin sila ng mga pagkakaibigang hindi man nagtagal, ay naging bahagi ng kanilang kamusmusan.

Ikaw, nagkaroon ka rin ba ng random friends sa mga pool at play area?