Lolo na asukal lamang ang kinuha sa community pantry kinalugdan




Imahe mula sa Facebook account ni Gerald Paredes Carsucho
  • Marami ang nabigyang-inspirasyon ng isang lolo
  • Kumuha lamang siya ng asukal sa isang community pantry
  • Iyon lamang daw ang kailangan niya para sa kaniyang pagkakape

Hinangaan ng mga netizens ang isang lolo matapos na kumuha lamang ng asukal sa community pantry at hindi na naghangad na bumitbit pa ng ibang items.

Ibinahagi ito sa Facebook post ni Gerald Paredes Carsucho na talaga namang nabagbag ang damdamin at nabigyang-inspirasyon ng naturang lolo.

Ayon sa lolong ito, asukal lamang ang wala siya kaya ito lamang ang kinuha niya. May sardinas at bigas naman daw siya sa bahay kaya asukal na lamang ang kinuha niya para sa kanyang pagkakape.

Imahe mula sa Facebook account ni Gerald Paredes Carsucho

“Araw-araw naming nakikita si Tatay na dumaraan sa pantry ngunit nagtataka kami kung bakit hindi siya kumukuha. Isang araw ay nakita niyang may asukal at tumigil siya upang kumuha ng dalawa nito. Inalok namin siya ng iba pang mga nakalatag sa lamesa ngunit ang sagot ni Tatay ay ‘May mga sardinas at bigas na ako sa bahay, asukal lang ang wala ako para sa pagkakape ko, kaya ito lang ang kukunin ko.’ At kami’y biglang natahimik,” salaysay niya.

Dagdag pa niya, “Nawa’y lahat ng mamamayan ay matutong kumuha batay lamang sa kanilang pangangailangan upang marami pang kapwa nila nangangailangan ang makinabang dito. Gayundin, upang malagpasan nating lahat nang sama-sama ang krisis na ito.”

Ibinahagi niya ang kaniyang repleksyon hinggil sa community pantry.

“Ang community pantry ay tinuturuan tayo ng malasakitan, kung mayroong may sobrang kinikita ay magbahagi, kung may kakulangan ay kumuha nang hindi sobra dito. Maraming-maraming salamat po sa mga tao o pamilya na patuloy na sumusuporta at nagmamahal sa mga nangangailangan! Pilipino para sa Pilipino!”

Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Pamarisan po natin si Lolo. Ganiyan po dapat ang tao, may disiplina… kumuha lang kung ano ang kailangan para makakuha rin yung iba,” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “May mga tao talagang marunong umunawa sa mga nararanasan ng buong mundo, isang kahanga-hangang gawain po ito, imagine isang matanda nakukuntento at may malasakit sa nakararami, alam niya kung anong meron siya at kung ano lang ang kailangan niya.”

“Iyan ang sinasabi nating tumandang may pinagkatandaan,” pahayag naman ng isa.

Mabuhay ka Lolo at nawa ay magsilbing inspirasyon ka sa lahat!