Isang Pinoy title holder sa Guinness World Records dahil sa fast food toy collection




Public Domain Image
  • Isang Pinoy ang may hawak ng record sa Guinness na may pinakamaraming koleksyon ng laruan na nabili sa fast food chains
  • Bata pa lamang siya, nakahiligan na niya ang pangongolekta ng mga laruan
  • Pangarap niyang magkaroon ng museo para sa lahat ng ito, na bubuksan sa publiko

Isang Pilipino mula sa Apalit, lalawigan ng Pampanga, ang may hawak ng Guinness World Record para sa taong may pinakamaraming toy collection na nabili sa mga fast food chains sa Pilipinas.

Ayon sa graphic artist na si Percival Lugue, 5 taong gulang pa lamang siya ay hilig na niya ang pangongolekta ng mga laruan, na nabibili mula sa mga sikat na fast-food restaurant chains gaya ng McDonald’s, Burger King at Jollibee. Sa ngayon, siya ay nasa 50 taong gulang na.

Public Domain Image

Noong taong 2014, nasa 10,000 pa lamang ang kaniyang mga toy collection, kung saan niya nasungkit ang Guinness World Record. Makalipas ang ilang taon, umabot na ito sa 20,000 piraso. Kaya nitong sakupin ang buong sahig ng kaniyang bahay, at maaaring umabot pa hanggang kisame, kapag pinagpatong-patong.

Para sa kaniya, bawat laruan na kaniyang binibili ay may nakakubling kuwento, lalo na kapag may mahahalagang okasyon, tulad ng pagdiriwang ng Pasko.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Nice! Ako naman ay may piggy bank, pig figurines collection! Masarap din mag-collect ng favorite items, napapasaya ako at stress reliever ko. Okay lang naman iyan, kung may pera ka naman, walang masamang bilhin ang mga bagay na gusto mo,” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Don’t make people feel bad about things that make them happy.”

“Nakakatawa ‘yung nagko-comment na ipamigay na raw. Bakit hindi kaya sila ‘yung mamigay tutal sila nakaisip na ipamigay, imbes gawin nilang inspirasyon para magsumikap, hindi ‘yung naghihintay na lang sila ng mga bigay-bigay. Kaya maraming tamad eh,” sabi naman ng isa.

Public Domain Image

Ayon kay Percival, pangarap niyang magkaroon ng isang museo na maaari niyang mapaglagyan ng kaniyang mga koleksyon, at mabuksan sa publiko.