Fur parent na hindi makaalis dahil sa malungkot na hitsura ng fur baby kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook account ni Lotlot Morales
  • Kinaaliwan ang isang fur parent mula sa Santa Maria, Bulacan
  • Hindi kasi siya makaalis ng bahay
  • Malungkot na nakatanaw ang kaniyang fur baby sa kaniya

Bukod sa pagturing bilang anak o kabahagi ng pamilya, isa sa mga bentaheng naidudulot ng pagkakaroon ng fur baby ay nagsisilbi silang bantay sa ating mga tahanan, kapag umaalis tayo. Subalit paano kung magkabaligtad ang sitwasyon? Paano kung hindi ka makaalis sa iyong bahay dahil hindi mo maiwan-iwan ang iyong fur baby?

Iyan ang ibinahagi ng isang fur parent na nagngangalang ‘Lotlot Morales’ sa Facebook page na ‘Shih-tzu club of the Philippines’ kung saan ibinahagi niya ang mga larawan ng kaniyang cute na cute na fur baby na si Bella, na tila malungkot dahil aalis siya.

Imahe mula sa Facebook account ni Lotlot Morales

“Ang hirap lumabas ng bahay kapag ganito ang tingin sa iyo,” saad sa caption ni Morales.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Cute ni bebe. Buti nga siya nakaupo at nakatingin lang at behave siya, samantalang itong akin makita pa lang na kinuha ko na face mask hyper na sila at haharang sa pinto,” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Relate much. Ganito rin si Boom Boom ko, kapag aalis na kami sa umaga for work. At pag-uwi namin sa gabi sobrang tuwang-tuwa niya.”

“Imbes na makakaalis ka, wala, hindi ka na aalis kapag nakita mo na silang ganyan. Nakakdurog ng puso hahaha,” pahayag naman ng isa.

Paliwanag ni Morales, gusto sana niyang isama ang alaga, subalit kung may COVID-19 daw ngayon sa tao, iniiwasan naman niyang madapuan ng Parvo at Distemper si Bella. Ang dalawang nabanggit ay kadalasang mga sakit na nakukuha ng mga fur babies na dala-dala ng mga virus.

“Tuwing aalis ako gano’n lagi ang mukha niya, malayo sa mukha niya kapag naroon lang kami sa loob,” sabi pa ni Morales.

Imahe mula sa Facebook account ni Lotlot Morales

Dagdag pa niya, binili nila si Bella noong Marso 2021 bilang regalo sa kaniyang anak na honor student sa paaralan.