Flight attendant na nawalan ng trabaho naging matagumpay sa bagong negosyo




Imahe mula sa Facebook account ni Ella Infante/Public Domain Image
  • Isang flight attendant na natanggal sa trabaho dahil sa pandemya ang pinasok ang pagnenegosyo ng paggawa ng cookies at berry doughnuts
  • Naging patok naman ito at tinangkilik ng mga customers
  • Isa siyang patunay na hindi dapat mawalan ng pag-asa sa buhay

Sabi nga, kapag nagsara ang pintuan, huwag mawawalan ng pag-asa, dahil baka magbukas naman ang mga durungawan o bintana.

Kagaya na lamang ng isang dating flight attendant na si Ella Infante, 30 taong gulang, may asawa at dalawang anak. Isa siya sa mga sinawim-palad na matanggal sa trabaho dulot na rin ng pandemya, lalo pa’t isa sa mga lubhang naapektuhan ay ang flight transportation.

Imahe mula sa Facebook account ni Ella Infante

Subalit hindi siya nagpatuloy sa pagmumukmok, lalo pa’t may mga anak siya. Ang kaniyang panganay na anak na si Matteo ay may Autism kaya hindi siya maaaring makampante. Gumawa sila ng paraan ng kaniyang mister sa pamamagitan ng isang maliit na negosyo, na tinawag nilang ‘AUsome Goodies by Matteo,’ na ipinangalan nila sa panganay na anak.

Ayon sa panayam ng Philippine Entertainment Portal o PEP, ito ang naisipan nilang gawin at itinda dahil paborito raw ni Matteo ang cookies. At ngayon nga, matagumpay na ang kanilang personalized cookies at berry doughnuts.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“How do we go about if we want to order strawberry doughnuts? Ganyan talaga, kailangan laban lang! Huwag hihinto sa pag-iisip ng paraan para magpatuloy lang sa pang-araw-araw na pamumuhay,” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Nakita ko nga ‘yan, different flavors, so try natin kapag dating ng order ko fresh strawberries, may blueberries pa ‘yan, mango and matcha, chocolate na cookies and cream. Sarap!”

Imahe mula sa Facebook account ni Ella Infante

“Sana all! Tama po iyan. Dapat lang talaga na mag-isip-isip lang ng ibang mga paraan kung paano makaka-survive sa panahon ngayon. Kapag may talento o kasanayan ka, gamitin mo ito para nang sa gayon ay umangat ka. Nasa ating mga kamay talaga ang susi rin ng ating pagtatagumpay,” saad naman ng isa.

Pagbati sa iyo, Ella! Sana ay magtuloy-tuloy pa ang iyong tagumpay!