Tinderong may hawak na paskil at nakikiusap na pagbilhan siya nagpaantig ng damdamin




Imahe mula sa Philippine Star
  • Naantig ang kalooban ng mga netizens sa isang tindero sa Pasig City
  • May hawak ka siyang paskil at nakikiusap sa mga tao na bumili ng kaniyang paninda
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Marami sa ating mga kababayan ang talagang naapektuhan ng mga ipinatutupad na enhanced community quarantine lalo na sa National Capital Region o NCR at karatig-lalawigan na kabilang sa tinatawag na ‘bubble.’ Karamihan, kani-kaniyang diskarte upang masuportahan pa rin ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya, lalo na kung sila ang bread winner.

Kaya naman, naantig ang damdamin ng mga netizens sa isang tinderong naglalako sa isa sa mga abalang lansangan sa Pasig City,  dahil may hawak siyang paskil na nagsasaad ng apela sa publiko. Pakiusap niya, bumili sana sa kaniya ang mga tao upang mapakain niya ang kaniyang pamilya.

Imahe mula sa Philippine Star

“Maam, Sir, konting tulong lang po. Bili na po kayo ng mga paninda ko pangkain lang po sa pamilya ko. Maraming salamat po,” nakasaad sa kaniyang hawak na paskil, na isinulat lamang gamit ang pentel pen.

Hindi naman nakuha ang pagkakakilanlan ng naturang tindero, bukod pa sa halos nakatakip na ang mukha nito. Batay sa mga hawak nito, nagtitinda ito ng mga basahan at iba pang uri ng tela, na maaaring mga lumang damit.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Saan po sa Pasig si Kuya nagtitinda? Salamat po sa nakaalam. Mas mainam po kung mailapit sana kay Mayor Vico, for sure tutulungan niya ang mga kagaya ni Kuya,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Paano ka nga makakapag-stay at home kung kumakalam tiyan mo, mabuti sana sa mga nagsasabi diyan nakakaangat kayo lalo yung mga opisyal ngayon, madali lang magsabi na matitigas ang ulo ng Pinoy eh pasalamat kayo paldo-paldo pera ninyo.”

“Saludo ako sa mga taong ganito, gagawin lahat para lang mapakain ang pamilya. Yung iba diyan umaasa na nga lang sa iba, todo pa sa reklamo,” saad naman ng isa.

Imahe mula sa Philippine Star

Ayon mismo sa Malacañang at Department of Interior and Local Government o DILG, magkakaroon ng cash assistance o ayuda para sa pamilyang naapektuhan ng enhanced community quarantine, lalo na ang mga manggagawa.

Source :

Facebook