Street dweller na nagbigay ng mangga sa community pantry nagdulot ng inspirasyon




Imahe mula sa Facebook page ng J'S Project/Public Domain Image
  • Naantig ang damdamin ng mga netizens sa kabutihan ng puso ng isang lalaking street dweller
  • Sa halip na kumuha sa community pantry, nagbigay pa siya ng mga mangga
  • Bagay na bagay raw sa kaniya ang tagline na ‘Magbigay ayon sa kakayahan’

Kilalang-kilala na ngayon ang tagline ng community pantries na ‘Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.’ Dalawang bagay ang itinuturo nito sa mga mamamayan ng isang pamayanan: ang kahalagahan ng pagbibigay, pagtulong sa kapwa, at pagtitimpi sa kung anoman ang maituturing na ‘sapat.’

Bagama’t masasabing umusbong ang community pantry para sa ating mga kababayang ‘walang-wala,’ may ilang mga kuwento at patotoo na kahit ang mga taong itinuturing na ‘walang-wala’ ay nakapagbibigay rin ng ambag ayon sa kanilang kakayahan at kaparaanan. Kagaya na lamang ng isang lalaking street dweller na itinampok sa ‘J’S Project’  kung saan hindi nakaliligtaang maglagay ng kahit na anong makakayang dalhin sa community pantry.

Imahe mula sa Facebook page ng J’S Project

“Siya si Kuya Romeo, isa siyang street dweller at kumikita sa pangangalakal. Suki namin siya dito sa Kamias Rd. CP. Araw-araw siyang dumadaan para kumuha ng makakakain,” ayon sa Facebook post na may hashtag na ‘#CommunityPantryEncounters.’

“Tuwing dumadaan siya, talagang nakangiti siya at bumabati. Minsan, nahihiya pa siyang kumuha pero talagang pinipilit namin siya kasi alam naming kailangan nila ng kasama niya. Kaya lang sa sobrang haba ng pila kaninang umaga, hindi siya nakaabot sa laman ng pantry.”

Naantig daw sila kay Romeo dahil naglagay raw ito ng mangga sa pantry, para sa mga nagnanais na kumuha.

“Umalis siya, at after ng ilang oras ay bumalik na may dalang isang malaking supot. Akala namin kukuha siya ng ilang pagkain sa pantry dahil may milo, de-lata at tinapay pa naman, pero sabi niya ay may dala raw siyang mangga at ilalagay niya daw sa pantry para sa mga gustong kumuha.”

Kaya naman, tamang-tama raw sa naturang street dweller ang tagline na ‘Magbigay ayon sa kakayahan.’

Imahe mula sa Facebook page ng J’S Project/Public Domain Image

“Umiiyak ang puso namin sa sobrang saya! Ito ang ibig sabihin ng ‘Magbigay ayon sa kakayahan.’ Hindi siya kumuha ng kahit ano sa pantry kasi kumain na raw siya at hindi pa niya kailangan. Tirik ang araw, pero umaapaw ng pagmamahal! Blessed Good Shepherd Sunday, friends!”

Nakaaantig na kuwento, hindi ba? Tila liwanag sa dilim!

Source :

Facebook