Small but beautiful: Bahay na itinayo sa kakarampot na espasyo, nagpamangha sa mga netizens




Larawan mula sa Facebook post ni Bern Lubiano
  • Trending ngayon sa social media ang isang cute na cute na bahay
  • Maliit na espasyo lang kasi ang sakop nito kaya naman agaw pansin talaga
  • Ngunit kahit maliit, kumpleto naman ito at maganda pa ang pagkakagawa

Sa panahon ngayong maraming walang trabaho at mahal ang mga bilihin, kanya-kanyang diskarte ang mga Pilipino upang makatipid. Iba-iba ang paraan ng bawat isa para mapagkasya ang maliit na badyet para sa mga gastusin.

Ngunit sa isang trending Facebook post, hindi lamang pera ang maaaring tipirin ngayon. Makikita sa post ng netizen na si Bern Lubiano ang isang bahay na itinayo sa kakarampot na espasyo. Nasa halos apat na talampakan ang lapad nito na nakatayo sa tabi ng daan.

Larawan mula sa Facebook post ni Bern Lubiano

“Mahal kasi ng lupa. Ganito na lang bahay kaysa wala,” ayon sa uploader na si Bern. Ngunit wag ismolin ang cute na cute na bahay. Kahit kasi maliit ang espasyong nasasakop nito, kompleto naman ito sa bahagi ng isang normal na bahay.

Makikita sa larawan na mayroon itong gate at garahe para sa motor. Pagpasok mo naman ay makikitang naka-tiles ito at mayroon pang second floor. Presko rin itong tignan dahil sa napiling kulay ng tiles at pintura.

Dahil dito, agad na nag-trending ang small but beautiful na bahay. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang halos 3,000 reactions at 8,200 shares ang nasabing post.

Nagpaabot naman ng reaksiyon ang mga netizens sa munting bahay. Ayon sa ilan, ayos na raw kahit hindi ganoon kalawak ang bahay basta sarili mo ito at mayroon kang masisilungan. Gandang-ganda rin ang marami sa istilo at ayos ng nasabing bahay.

Larawan mula sa Facebook post ni Bern Lubiano

May ilang netizen naman na iniaayon sa laki ng kanilang pangangatawan ang pagtira sa ganitong klase ng tahanan. Ayon sa ilang netizens, hindi raw sila kakasya sa bahay na ito. Ang mga may kaliitan naman ang katawan, sinabing ito ang perfect house para sa kanila.

Para naman sa mga nagmamay-ari ng lupa ngunit hindi ito kalakihan, nagsilbi namang insipirasyon ang bahay na ito para sa kanila. Hindi raw pala imposibleng maitayo ang dream house kahit hindi malaki ang lupang nabili nila.