Retiradong guro gumawa ng DIY swimming pool, atbp. para sa kaniyang mga apo




Imahe mula sa Facebook account ni Jackie Mary Lynne Tenchavez/Home Buddies
  • Ipinagmalaki ng isang anak ang kaniyang amang retiradong guro
  • Gumawa kasi ito ng DIY swimming pool, Grotto, shower area, atbp.
  • Ginamit pa niya ang retirement pay para makabili ng mga kagamitan

Isa sa mga magagandang bagay na naidulot ng community quarantine ay ang pagkakaroon ng oras ng isang tao upang pagtuunan ng pansin ang mga bagay-bagay sa kaniyang bahay at mapaunlad pa ito upang mas maging masaya at nakalilibang ang pananatili rito kasama ang pamilya.

Kaya naman, usong-uso ngayon ang room o house renovation, sa pamamagitan lamang ng DIY o ‘Do-It-Yourself.’

Sa panahon ngayong laganap ang mga impormasyon sa internet, madali na lamang matutuhan ang paggawa ng maraming bagay, o mag-‘self-study.’ Iyan ang ibinahagi ng netizen na si Jackie Mary Lynne Tenchavez sa Facebook page na ‘Home Buddies.’

Imahe mula sa Facebook account ni Jackie Mary Lynne Tenchavez/Home Buddies

Ibinida niya ang maliit na DIY swimming pool sa kanilang bahay na ginawa ng kaniyang ama, na isang retiradong guro, para sa kaniyang mga apo. Tamang-tama dahil sa panahon ngayon na napakainit dahil sa dry season, at isa pa, bawal pa ring lumabas para mag-outing dahil sa community quarantine.

“Hindi ko inexpect na magkaka-swimming pool kami sa bahay namin. Thanks to my dad, ginawa niya ito para sa mga mahal niyang apo hehehe, para everyday bonding time, kahit hindi na lumabas. He also makes sure na may matatambayan kami sa labas ng bahay to have some fresh air,” aniya.

Malaki rin ang pasasalamat niya sa kaniyang amang retirado dahil sa halip na solohin ang pera, ang retirement pay ang ginamit nito para makabili ng mga materyales para sa DIY swimming pool.

Imahe mula sa Facebook account ni Jackie Mary Lynne Tenchavez/Home Buddies

Dagdag pa niya, “He was a retired teacher, saktong-sakto na pandemic para sa safety niya (senior na kasi siya hindi lang halata) yung retirement fee niya ay inuunti-unti niyang binabawasan para sa pagpapaganda ng aming bahay.”

“Nakakataba lang ng puso dahil imbes na gamitin niya ‘yun sa sarili niya or itabi niya ay mas masaya siyang makita kaming may komportableng bahay, nakaka-proud maging anak mo, Dad.”

Bukod sa DIY swimming pool, gumawa rin siya ng Grotto, pasong gawa sa semento, shower area, at iba pa. sadyang lumabas ang pagiging malikhain ng retiradong guro!

Imahe mula sa Facebook account ni Jackie Mary Lynne Tenchavez/Home Buddies

Ang galing, hindi ba? Puwede palang magkaroon ng permanenteng swimming pool kahit maliit lamang ang espasyo.

Source :

Facebook