#PansitIsEssential: Restaurant owner namahagi ng pansit sa mga street dwellers




Imahe mula sa Facebook account ni Rad Pelayo
  • Namahagi ng pansit ang isang restaurant owner sa mga street dwellers
  • Isa rin siyang pilantropo na nagbibigay ng libreng pagkain sa mga frontliners at delivery riders
  • Tinulungan din niya ang mga magsasaka noon sa pamamagitan ng itinayong ‘Fresh Basket Market’

Nakatutuwang isipin na sa makabagong panahon at matinding pangangailangan, masigla pa rin ang damayan at pagbabayanihan. Mula sa iba’t ibang paraan at daluyan, bumabaha ang tulong at kawanggawa hindi lamang sa mga mamamayang kinakailangan ng ayuda upang hindi magutom, kundi maging sa mga frontliners na walang takot na sumasagupa sa panganib.

Kagaya na lamang ng isang restaurant owner at pilantropong si Rad Pelayo na kilala sa kaniyang pagtulong sa mga health care workers at delivery riders na nagsisilbing frontliners sa panahon ng pandemya. Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi niyang mamamahagi sila ng pansit sa mga street dwellers o taong lansangan.

Imahe mula sa Facebook account ni Rad Pelayo

“To be honest di ko alam ano ang sasabihin ko… basta’t ito po, magsisimula kami ulit magbigay ng kaunting tulong sa iba… kasama ang aming mga staff, riders, cook na nagvolunteers… 100 pax of pansit at inumin ang napamigay namin sa mga tao sa kalye,” aniya.

Saktong isang taon na ang nakalilipas simula nang maipatupad ang ECQ, sinimulan na niya ang pagbibigay ng mga libreng pagkain sa mga fronliners at delivery riders. Ito ang naisip niyang paraan upang makapag-ambag sa kaniyang lipunan, sa paraang malapit sa puso niya—ang pagluluto at pamamahagi ng masasarap at masusustansiyang pagkain.

Restaurant owner, pinakain ang Grab driver na nag-deliver ng suplay para sa kaniyang “free food”

Noong bandang Mayo 2020 naman, inilunsad niya ang kaniyang ‘Fresh Basket Market’ kung saan nakipag–tie up sila sa mga magsasaka upang direkta nilang maibili ang mga pananim na gulay ng mga ito., at maitinda naman sa kanilang mismong puwesto. Kaya sa umaga, mistulang open garden market ang kaniyang restaurant, at cafe naman sa gabi.

“Fresh Basket Market” bilang tulong sa mga magsasaka, inilunsad ng may–ari ng isang restaurant

“Sa mga gustong magbahagi inoopen po namin ulit ang aming kitchen para makagawa ng pagkain sa mga tao sa lansangan. Dm lang po kayo,” paanyaya niya sa mga netizens.

Imahe mula sa Facebook account ni Rad Pelayo

Hindi na bago para sa naturang restaurant owner ang pagtulong sa kapwa. Sa katunayan, bilang may–ari at Managing Director ng ‘H Cafe and Events Place’ sa ilalim ng ‘Healthy Meals PH,’  talagang nagbibigay sila ng libreng pagkain noon pa man, bago pa mangyari ang pandemya.

Restaurant owner, may complimentary meals para sa mga frontliners

Sa mga susunod na araw naman, pagkatapos ng pansit ay mamamahagi sila ng beef pares.

Kudos sa iyo, Rad! Sana ay dumami pa ang mga gaya mo sa panahon ng bayanihan.