Pangakong ‘pulang kotse’ ni Ken Chan sa kaniyang ina natupad na!




Imahe mula sa Twitter/Facebook account ni Ken Chan
  • Tinupad ni Ken Chan ang pangarap ng kaniyang ina
  • Niregaluhan niya ito ng pulang kotse
  • Tumatak daw sa isipan niya ang pabirong hiling ng kaniyang ina noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz

“Hindi niya alam na tumatak ‘yun sa isip ko at hindi rin niya alam na tutuparin ko ‘yung biro niya.”

Iyan ang bahagi ng Twitter post ni GMA Kapuso Actor Ken Chan matapos niyang ibahagi ang kaganapan sa pangarap ng kaniyang nanay—na magkaroon ito ng sariling pulang kotse!

Imahe mula sa Twitter/Facebook account ni Ken Chan

“10 years ago pabirong sinabi sa akin ni Mama: ‘Anak kapag naging successful ka sa career mo bigyan mo ako ng pulang kotse’ at natawa siya sa sinabi niya,” saad ni Ken Chan. Hindi raw inakala ng kaniyang ina na tumatak iyon sa isip ng aktor, at ngayon ngang matagumpay na siya sa kaniyang showbiz career, hindi niya binigo ito.

“Enjoy the ride Ma! I love you!” panghuling pahayag ng aktor.

Humanga naman ang mga netizens sa pagiging mapagbigay na anak ni Ken para sa kaniyang ina. Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Hanga ako sa ‘yo idol dahil mahal mo ang iyong magulang. Ipagpatuloy mo lang ang pagiging mabuting anak!” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Isang patunay na ang pagtatanim ng magandang asal at pagbibigay ng magandang buhay sa iyong mga anak kahit isakripisyo ang sariling kaginhawaan ay may balik na biyaya.”

“Mabait talaga ‘yan si Ken Chan, my favorite, masuwerte ang magiging gf niya. Humble and sweet. Ganda ni Mama mo ha. Stay safe. God bless!” wika naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Mapalad ang mga magulang na nagkaroon ng mabait, mapagmahal at mapagmalasakit na anak.”

Imahe mula sa Twitter/Facebook account ni Ken Chan

Si Ken Steven Angeles Chan ay isang Filipino-Chinese actor, model at TV host. Nagsimula ang kaniyang showbiz career bilang co-host at performer sa tv show na ‘Walang Tulugan with the Master Showman’ ni German Moreno o Kuya Germs.

Unti-unti siyang mas nakilala nang gampanan niya ang lead role sa award-winning TV-series ng GMA Kapuso Network na ‘Destiny Rose.’ Naging katambal niya si Kapuso actress Rita Daniela sa romantic-drama series na ‘My Special Tatay.’ Sa kasalukuyan, bahagi siya ng ‘All-Out Sundays’ at ‘The Clash.’