Pamamahagi ng financial assistance sa ilang lugar sa SJDM, Bulacan dinagsa; social distancing tila nakalimutan na




Larawang kuha ni Czar Edcel Fabia at Abegail Espina via Balitang SJDM Page
  • Nakuhanan ng larawan ng ilang netizen ang tila magulong pamamahagi ng ayuda sa ilang barangay sa SJDM, Bulacan
  • Hindi na nasunod ang social distancing dahil sa pagdagsa ng mga nais makakuha ng financial assistance
  • Nagpaabot naman ng pagkadismaya ang maraming netizen sa magulong pamamahagi ng ayuda

Kasabay ng pagsasailalim ng pamahalaan sa National Capital Region (NCR) at mga karatig na lalawigan sa mas mahigpit na quarantine classification ay ang muling pamamahagi ng cash assistance sa mga residente. Isa ang Bulacan sa mga nag-umpisa nang mamahagi ng ayuda sa mga apektadong mamamayan.

Gayunman, sa ilang viral post sa Facebook, makikita na tila nakalimutan na ang health protocols sa ginawang pamimigay ng financial aid sa ilang mga taga-San Jose del Monte.

Larawang kuha ni Czar Edcel Fabia via Balitang SJDM Page

Sa pamamagitan ng Facebook page na Balitang SJDM, ibinahagi ng ilang netizen ang pagdagsa ng mga residente ng dalawang barangay sa lungsod. Ang nakababahala, tila nagkakagulo na ang mga tao sa pagkuha ng perang tulong sa kanila ng pamahalaan.

Makikita sa mga larawang kuha ng netizen na si Czar Edcel Fabia, ang dikit-dikit nang mga mamamayang kumukuha ng ayuda mula sa Barangay Fatima V. Isa ito sa mga unang barangay na nabigyan ng go signal upang mamahagi na ng financial assistance.

Maraming residente ng SJDM ang nadismaya sa tila pagpapabaya ng mga mamamayan at mismong barangay officials sa health protocols. Isa pa naman ang lungsod ng SJDM sa mga may naitatalang mataas na kas0 ng C0VID-19.

Suhestiyon ng iba, hindi talaga ideal ang pamamahagi ng ayuda na papipilahin pa ang mga mamamayan. Mas maayos daw sana kung nagbahay-bahay na lang sila para nasunod ang stay at home na ipinapanukala ng pamahalaan.

Larawang kuha ni Abegail Espina via Balitang SJDM Page

Halos katulad naman ang sitwasyon sa pamamahagi ng ayuda sa Barangay San Rafael 1 ng SJDM pa rin. Kita sa mga larawang kuha ni Abegail Espina ang dikit-dikit na mga residente. Animo’y walang pandemyang kinahaharap ang bansa sa pagdagsa ng mga tao sa barangay hall.

Saad tuloy ng ibang hindi napasama sa listahan ng mga makakukuha ng ayuda, blessing in disguise pa raw iyon dahil hindi sila napilitang pumila at makipagsiksikan sa napakaraming tao. Nakakuha ka nga raw ng ayuda, malaki rin naman daw ang posibilidad na makakuha ka ng virus.