Pa-contest ng Wowowin na ikokomento ang selfie at personal details, inalmahan dahil labag daw sa data privacy act




Larawan mula sa Facebook page ng Wowowin
  • Kontrobersiyal ngayon ang isang bagong pa-contest ng game show na Wowowin dahil sa paglalahad ng personal na impormasyon ng mga kalahok
  • Ayon sa ilang netizens, maaari daw itong pagmulan ng sari-saring aberya dahil mahahalagang impormasyon ang ibinabahagi sa Facebook ng mga sasali
  • Wala pa namang opisyal na pahayag ang GMA Network at Wowowin ukol sa isyu

Patok sa masang Pilipino ang afternoon Kapuso game show na Wowowin: Tutok to Win dahil sa mga papremyong ibinibigay nito. Kung noon ay talaga namang pinipilahan ng mga nais manalo ang show sa studio, dahil sa pandemya, inaabangan na ngayon ng mga manonood ang tawag ng host na si Willie Revillame.

Kung noon ay sa personal message (PM) sa official Facebook page ng Wowowin ipinadadala ang entry ng mga gustong sumali, sa isang bagong lunsad na segment ng show na “Mukhang Panalo” ay kinakailangang i-post ang selfie at personal details sa mismong comment section ng page.

Larawan mula sa Facebook page ng Wowowin

Dahil sa milyong followers at viewers ng show, dumagsa talaga ang mga gustong manalo ng sampung libong piso. Gayunman, inalmahan ng ilang eksperto sa batas at information technology ang maaaring maging negatibong bunga ng pa-contest ng Wowowin.

Ang mechanics ng laro, kailangang mag-post ng selfie kasama ng buong pangalan, tirahan, at maging contact number para magkaroon ng tsansa sa P10,000. Dahil dito, naging trending na usapan online, lalo na ng may mga kaalaman sa batas at IT, ang panganib ng pagbubulgar ng personal data online.

Ayon sa mga netizen, ito raw ay paglabag sa data privacy act at maaaring pagmulan ng iba’t ibang uri ng scam at panl0l0ko. Lahat kasi ng mahahalagang impormasyon na maaaring magamit sa ilang maanumalyang bagay ay makikita nang lantaran sa comment section.

May ilan ding netizen na nangangambang maaaring magamit ang makukuhang personal na impormasyon sa darating na eleksiyon at maaaring maging sanhi ng paggamit ng identity ng iba. Ang ilan naman, may pangamba dahil maraming maeedad ang sumasali at nanonood ng Wowowin na mas mabilis di umanong mabiktima ng mga scam.

Larawan mula sa Facebook page ng Wowowin

Kamakailan lamang, inihayag ng National Privacy Commission (NPC) na nag-iimbestiga sila sa higit 800,000 accounts sa Facebook na pinaniniwalaang may nalabag.

Habang isinusulat ang istoryang ito ay wala pang opisyal na pahayag ang Wowowin at GMA Network at patuloy pa rin ang pagtanggap nila ng entri sa nasabing pa-contest.

Samantala, narito ang isang video na nagpapasaya sa marami. Mas marami kasi ang napipiling winners sa ganitong paraan.

Source :

Facebook