Netizen pinapasok sa bahay ang delivery rider sa takot na mahuli




Imahe mula sa Facebook account ni Maine Mesina
  • Ibinahagi ng isang customer ang iniutos niya sa delivery rider ng kaniyang inorder na pagkain mula sa isang fast food chain
  • Literal na pinapasok niya ito sa loob mismo ng kaniyang bahay, kasama na ang motosiklo
  • Natatakot kasi siyang hulihin ng mga awtoridad, kagaya ng nangyari sa isang napabalitang customer na hinuli ng mga awtoridad kahit nag-aabang lamang sa labas ng bahay

Kaliwa’t kanan ang iba’t ibang isyu na nauugnay sa mga delivery riders na hinaharang, sinisita, o hinuhuli lalo na sa panahon ng Enhanced Community Quarantine ‘Season 2’ sa National Capital Region at mga karatig-lalawigan na nasa tinatawag na ‘bubble.’

Kaya naman, sa takot na hulihin din ng mga awtoridad na nag-iikot-ikot sa kanilang lugar kung nasusunod ba ang mga health protocols, naisipan na lamang daw ng customer na nagngangalang ‘Maine Mesina’ na papasukin ang Grab rider sa loob mismo ng kanilang bahay upang hindi siya magaya sa mga napabalitang hinuli dahil nakitang nakatambay sa labas ng bahay upang abangan ang pagdating ng delivery rider.

Imahe mula sa Facebook account ni Maine Mesina

Ang nakaaaliw dito, hindi lamang ang delivery rider ang naipasok sa loob ng sala ng bahay kundi maging ang motosiklo.

“Pinapasok ko si Grab rider, baka mahuli ako kapag kinuha ko sa labas yung order kong McDo (McDonald’s),” saad niya sa kaniyang Facebook post.

Nagdulot naman ito ng good vibes. Hindi naman napigilan ng mga netizens na magkomento hinggil dito.

“Hahaha, nice idea! Sa susunod na magpapadeliver ako sa Shoppee o Lazada, ganyan na lang din ang gagawin ko. Baka kasi maurirat pa yung delivery rider, kung essential o non-essential ba ang pinadeliver ko,” pabirong banat ng isa.

Wika naman ng isa, “Astig! Buti pumayag yung delivery rider na pumasok pa sa loob ng bahay? Hindi man lang nagtanggal ng helmet hahahaha.”

“Nakakainis naman kasi yung ibang nagpapatupad ng mga directives. Sila mismo kasi hindi makaintindi ng mga pinapatupad nila, tapos kung makapagsalita sila sa pagsisita, akala mo naman all-knowing at alam na alam na nila. Gaya na lamang ng nangyaring insidente about sa lugaw. Paano kung ang kakain ng lugaw ay hindi puwedeng kumain ng solid na pagkain?” sabi naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Maine Mesina

Ayon mismo sa Palasyo, ang mga pagkaing ipinapa-deliver ay maituturing na essential o pangangailangan, kaya naman kahit may curfew na ipinatutupad, maaari pa rin itong i-deliver 24/7 kahit sa mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng ECQ.