Netizen nanawagan sa publiko, sakyan pa rin ang mga pampasaherong jeepney kahit may libreng sakay




Imahe mula sa Facebook account ni Nerris Joy Banasig
  • May panawagan ang isang netizen para sa mga pasaherong may kakayahan namang magbayad ng pamasahe
  • Piliin pa rin sanang sakyan ang mga pampasaherong jeepney upang kumita naman ang mga manong driver
  • Sa ngayon kasi ay may mga naka-disperse na libreng sakay sa e-jeepney na may aircon pa

Isa sa mga pinaka-apektado ng pagkakaroon ng Enhanced Community Quarantine o ECQ ang mga jeepney drivers. Dahil inaasahan ang pagsunod sa curfew ng mga tao, bumaba ang kanilang kita. Dumarating pa nga sa puntong may mga jeepney drivers na naglalagay ng paskil sa kanilang mga katawan at nakikiusap at humihingi ng tulong.

Medyo nakabawi ang mga jeepney drivers nang lumawag ang klasipikasyon ng community quarantine. Subalit nang muling ibalik ang ECQ sa NCR at bubble area, tila nangapa na naman sa karimlan ang mga jeepney drivers. Iyan mismo ang naranasan ng isa sa mga pasahero na nagngangalang Nerris Joy Banasig, na ibinahagi niya sa Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Nerris Joy Banasig

“Hindi ako nainform na nasa likod ng sakayan ng mga jeep lang pala yung libreng sakay w/aircon from Novaliches-SM Tungko, kaya pala ako lang ang sakay ni Tatay sa jeep paalis sa paradahan,” paunang salaysay ng pasahero. Hindi raw niya naiwasang masaktan at maawa sa manong driver ng kaniyang sinasakyang pampasaherong jeep, lalo’t nakakompitensiya pa niya ang mga e-jeepney na may libreng sakay.

“But on the other side, nasasaktan ako para kay Tatay (manong driver) lalo na makikita mo sa mukha niya ang kalungkutan,” aniya.

Kaya naman panawagan niya sa mga pasaherong may kakayahan namang magbayad ng pamasahe, piliin sana nilang sakyan ang pampasaherong jeepney, kagaya ng manong driver, upang kumita naman sila.

“Sa may mga kaya pa naman po mamasahe sakay po tayo sa kanila, para kahit papano may kitain naman ang mga jeepney driver natin lalo na sa sitwasyon ngayon.”

Nagbigay rin siya ng pahabol na mensahe para sa naturang driver, na hindi naman niya nakuha ang pagkakakilanlan, bagama’t nabigyan niya ng kaunting tulong, bukod pa sa pagbabayad ng mismong pamasahe niya.

Public Domain Image

“Huwag po kayong mawalan ng pag asa Tay, babalik din sa dati ang lahat, mapupuno rin ulit ang sakay ng jeep mo pagpasensiyahan ninyo na po ang kaunti kong inabot, kakabalik ko lang din po ng work kahapon, wala pa sahod. God bless you po and stay safe.”

Sa panahon ng pandemya, kailangang manaig ang pagmamahalan, pagmamalasakit, at pagkakaisa!

Source :

Facebook