Netizen nagbigay ng tips sa negosyo: Itigil ang pagrereklamo at huwag susuko




Imahe mula sa Facebook page ng CFO PESO SENSE/Public Domain Image
  • May tips ang isang netizen sa mga nagnanais na pasukin din ang pagnenegosyo
  • Huwag magreklamo at huwag susukuan ang hirap na pagdaraanan
  • Kulang daw ang sipag dahil kailangan itong langkapan ng diskarte, tiwala sa sarili, support system, lakas ng loob, at paghingi ng gabay sa Panginoon

Bagama’t hindi lahat ng tao ay may iba’t ibang oportunidad na nakahain sa kanilang harapan, may kakayahan naman tayong baguhin ang ating paraan ng pamumuhay sa pamamagitan ng tamang diskarte, magagandang katangian at asal, at pananalig sa Diyos.

Kaya naman, ibinahagi ng isan negosyanteng netizen ang kaniyang sariling karanasan sa pagtatagumpay sa pinasok na negosyo, na makikita sa Facebook page na ‘CFO PESO SENSE.’ Paglilinaw niya, hindi niya ibinahagi ang kaniyang kuwento upang magyabang, kundi upang makapagbigay ng inspirasyon sa iba.

Imahe mula sa Facebook page ng CFO PESO SENSE/Public Domain Image

“Malakas po talaga ang store at business ko. But gusto ko lang I share yung way para magkaroon din kayo ng successful business. Kami po ang supplier ng food negosyo—milk tea depot, baking, food packs and equipment sa Batangas City.”

Isinugal ng netizen ang kaniyang property at sasakyan upang gawing kapital sa kaniyang binabalak na negosyo.

“I started with what ifs, ‘ika nga sugal ang negosyo. Binenta ko 2 property ko at sasakyan. Para lang masurvive ang business na ito. Lugi ako for 5 months at inisip ko na hindi ako papayag na malulugi na naman ako. I pray hard na halos araw-araw ako nagsusumamo at umiiyak sa Panginoon. Nakakapagod na kasi, pa ilang business ko na ang nalulugi and then bigla kong na feel na this time meron akong mapapala at in the end ramdam kong ito ay para sa akin,” pag-amin niya.

Kaya sabi niya, sa mga may balak na magnegosyo, kailangan daw itong panindigan at ipaglaban, kahit na mahirap. Kulang daw ang sipag dahil kailangan itong langkapan ng diskarte, tiwala sa sarili, support system, lakas ng loob, at paghingi ng gabay sa Panginoon.

Public Domain Image

“Syempre kung mabuting tao ka at wala kang inaapakan, marunong kang magbigay, mas lalo kang susuwertehin. Tao lang din tayo, di natin kayang dalhin sa hukay lahat ng pera kaya huwag tayong madamot lalo na sa mga taong tumutulong sa atin.”

“Share your blessings ‘ika nga at mas lalo tayong pagpapalain. Lagi lang tayo magdasal at bawat araw may pag-asang nakalaan para sa atin. Bilang tao, kailangan lang natin magsumikap at tumingin sa positive side. Huwag puro reklamo sa halip ay maging positibo at gawan ng solusyon ang problema.”

“Dati naghahangad lang ako ng sapat na benta para makabayad sa mga loans ko. Ngayon doble ang binibigay sa akin ni Lord. Maging thankful lang tayo sa buhay at laging magdasal. Believe me, lahat ng gusto mo makukuha mo kahit sa napakaimposibleng paraan.”

Nakaka-inspire, ‘di ba?

Source :

Facebook