Netizen naantig sa amang karga ang anak na may kapansanan upang humingi ng tulong sa kinauukulan




Imahe mula sa Facebook account ni Cherryl Calsis
  • Nabagbag ang netizen sa isang amang bitbit ang kaniyang dalagitang anak na may kapansanan
  • Manghihingi raw sila ng tulong para sa gamot ng kaniyang anak
  • Nagpahayag naman ng pagtulong ang maraming mga netizens

Gagawin ng isang magulang ang lahat para lamang sa kaniyang anak, sukdulang pasanin pa niya ang mga dinaramdam, suliranin, at pagsubok na kinhaharap nila. Nakahanda silang maging gabay upang hindi maligaw ng landas ang kanilang mga supling.

Subalit literal itong nasaksihan ng isang netizen, matapos nilang makasakay sa pampasaherong jeepney ang isang amang karga-karga ang kaniyang may kapansanang anak na dalagita, upang manghingi ng tulong sa mga kinauukulan. Ang mag-amang ito ay nagmula pa sa Barangay Muzon, sa lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Imahe mula sa Facebook account ni Cherryl Calsis

Salaysay ni Cherryl Calsis sa kaniyang Facebook post, papunta sila ng kaniyang kumare sa Red Cross nang madako ang kanilang mga mata sa isang lalaking may kargang dalagita, na tila ba hindi na nakalalakad. Nang usisain nila ito, patungo rin ito sa Red Cross, hindi upang bumili ng dugo, kundi upang manghingi ng pambili ng gamot para sa kaniyang anak na dalagitang karga niya.

“Galing po kami ng NCMH, check-up po ng anak ko kanina. Maghahanap po ako kung saan po puwedeng makahingi ng tulong para makabili po ako ng gamot niya…. hindi ko po alam saan ako kukuha ng pambili ng gamot ng anak ko,” sabi ng ama.

Napag-alaman pa nila na ang dalagita ay 19 taong gulang at ito ang panganay niyang anak, habang ang iba pa niyang mga anak ay maliliit pa. Iniwan na rin daw sila ng kaniyang misis at sumama na sa ibang lalaki.

“Napaluha na kami na nakasakay sa jeep, habang nagkukwento siya ng buhay niya. Marami siyang ikinuwento pero hindi po siya nanghingi sa amin ng kahit na ano. Inabutan namin siya ng konting tulong pero sapat lang talaga sa kailangan nilang mag-ama.”

Kinilala ang naturang ama na si Rolando Sargento Niangar at ang kaniyang anak naman ay si Jewelyn Niangar.

Imahe mula sa Facebook account ni Cherryl Calsis

Para sa mga nagnanais na magpaabot ng tulong, maaaring makipag-ugnayan sa nagbahaging netizen o kay Mang Rolando.

Samantala, makalipas lang ang ilang araw ay natuklasan ni Cherryl na mayroong mga scammers na gumamit ng kuwento ni Tatay Rolando upang makapanlinlang at makakuha ng tulong sa social media. Maging mapanuri po at tiyakin na ang inyong tulong ay kay Tatay Rolando mismo makararating.