Netizen ibinahagi ang naranasang pangmamaliit sa pag-oopisina niya kahit na educ graduate siya




Imahe mula sa Facebook account ni Cha Cha / Public Domain Image
  • Pinag-usapan ang screenshot ng chat messages sa social media
  • Makikita rito ang usapan tungkol sa isang Education graduate subalit nagtatrabaho sa opisina
  • Tinatanong sa kaniya ng kaniyang kausap kung hindi ba siya nadi-discourage na iba ang trabaho niya sa pinagtapusan niyang kurso sa kolehiyo

Sa katotohanan ng buhay, isa sa mga ‘toxic’ na ugali ng isang tao ang pangingialam o pagku-question sa naging desisyon sa magiging career path, o kahit ang trabahong pinapasok. Nangyayari ito kapag nalaman nilang ‘mismatch’ ang pinagtapusang kurso sa kolehiyo, sa kasalukuyang trabaho.

Kagaya na lamang ng inilahad ng isang netizen sa kaniyang Facebook post kung saan ipinakita niya ang palitan nila ng usapan sa chat, sa kakilalang itinago rin niya ang identidad.  Makikita sa kanilang kumbersasyon sa chat messages na tila tinatanong siya ng kaniyang kausap, kung hindi ba siya nanghihinayang na hindi siya nagtuturo bilang isang guro, bukod pa sa hindi pa siya lisensyado, at dahil nagtatrabaho siya sa isang opisina.

Imahe mula sa Facebook account ni Cha Cha

“Hindi ba educ naman ang natapos mo, hindi ka ba nadi-discourage na hindi ka pa LET (Licensure Examination for Teachers) passer tapos sa office ka pa nagtatrabaho ngayon?” walang habas na tanong nito sa kaniya.

Magalang namang tumugon ang nagbahaging netizen. “Hindi naman po, dahil in the first place, nag-eenjoy naman po ako sa work ko. Then, waiting pa rin ako sa LET.”

Subalit sumegunda pa ito. “Pangit kasi tingnan, educ ka, tapos sa office ka nagwowork hehehe.”

Sa puntong ito ay hindi nakapagtimpi pa ang netizen. Ipinaliwanag niya sa kausap na hindi naman porke’t education na ang natapos niya, wala na siyang karapatan para humanap ng ibang trabaho. Nakatutulong naman daw sa pinansyal niyang pangangailangan ang kinikita niya sa opisinang iyon.

Iginiit din niyang karagdagang karanasan din iyon na mailalagay niya sa kaniyang resume, lalo na kapag nag-aplay na siya bilang isang licensed professional teacher.

Sa dulo, ipinaliwanag naman ng kaniyang kausap na ‘concern’ lamang siya sa netizen, at inuunahan na niya ang mga taong manghuhusga rito.

Public Domain Image

Ikaw, anong masasabi mo tungkol dito?