Netizen ibinahagi ang ’emosyonal’ na engkuwentro sa isang delivery rider




Imahe mula sa Facebook account ni Michelle Luna / Public Domain Image
  • Nakaantig sa damdamin ng publiko ang ibinahaging Facebook post ng isang netizen
  • Isinalaysay niya ang ginawa niya sa delivery rider ng kaniyang order
  • Hindi sinasadyang natapon kasi nito ang hot chocolate drink na kasama sa order niya

Malaking tulong ang mga delivery rider lalo na sa panahon ng community quarantine dahil naiiwasan na ang paglabas-labas ng mga tao upang bumili ng mga ‘essential goods’ na kailangan nila sa pang-araw-araw na pamumuhay. Sila ay maituturing din bilang mga frontliners dahil isinasakripisyo din nila ang kanilang sarili, at maaari silang mabantad sa posibilidad na mahawahan ng COVID-19.

Kaya naman, naantig ang damdamin ng mga netizens sa pagbabahagi ng netizen na nagngangalang ‘Michelle Luna’ mula sa Makati,  sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post. Isinalaysay niya kasi ang ‘nakakaiyak‘ na engkuwentro niya sa delivery rider ng inorder niyang pagkain mula sa isang kilalang fast food chain. Bisikleta lamang ang gamit na sasakyan ng naturang rider.

Imahe mula sa Facebook account ni Michelle Luna

“Share ko lang. So, umorder na lang ako sa Food Panda ng kakainin ko bago matulog. Naka-bike lang ang nagdeliver sa akin at nagtataka ko kasi tanaw ko pa lang, halatang hindi siya mapakali,” saad niya.

Paglapit ng delivery rider sa kaniya, agad daw itong humingi ng dispensa sa kaniya. Dahil nga nakabisikleta lamang, hindi sinasadyang natapon ang halos kalahati ng kasamang hot chocolate drink sa order ng kaniyang customer. Mabuti na lamang at nakasilid ito sa isang plastik, kahit paano. Sa halip na magalit o sigawan ang rider, iba ang ginawa niya.

“Pagkalapit ko sa kanya, sorry siya nang sorry kasi yung hot choco natapon na halos yung kalahati.What I did, binaba ko lang slight yung mask ko, nginitian siya at sinabihang OK LANG YUN KUYA, SALAMAT SA PAGHATID NG PAGKAIN KO, NA-APPRECIATE KO HARD WORK MO NGAYONG UMAGA.”

Pagkasabi nito, halos maiyak na raw ang delivery rider, marahil ay dahil sa guilt feeling, o dahil natakot na ito sa mga nagdaang karanasan nito sa pagde-deliver.

Imahe mula sa Facebook account ni Michelle Luna / Public Domain Image

“He almost cried. I don’t know kung may pinagdadaanan si Kuya or what. Pero hindi ba, ang simple lang sana ng mundo kung kaya nating i-appreciate ang mga bagay na meron tayo. Lalo na yung mga maliit o malaking bagay na kayang gawin sa atin ng ibang tao.”

Kaya naman, may napagtanto ang netizen sa saglit na engkuwentro nila ng naturang delivery rider, na halos maiyak na dahil sa ‘di-sinasadyang pagkakatapon sa hot choco drink ng kaniyang customer.

“May kulang man, piliin pa rin nating maging mabuti. Lalo na kung tingin natin mas kailangan nila makaranas ng appreciation. At syempre, isa rin akong balat-sibuyas kaya nang nakita ko na paiyak si Kuya, umakyat na ako. Hahaha,” aniya.

Kudos sa iyo, Michelle! Nawa ay pamarisan ka ng lahat ng mga customers na umaasa sa mga delivery riders, lalo na sa panahon ngayon ng community quarantine!