Mosaic artist sa Cebu gumawa ng ‘tansan art’ ng imahe ni Pangulong Duterte




Imahe mula sa Facebook account ni Rener Cabatas
  • Isang mosaic art na gawa sa tansan ang pinag-usapan
  • Nilikha ito ng isang emoji mosaic artist mula sa Cebu
  • Mukha ni Pangulong Duterte ang ginawa niya

Napahanga ng isang mosaic artist mula sa Toledo, Cebu ang mga netizens matapos niyang gawan ng ‘tansan art’ ang mukha ni Pangulong Rodrigo Duterte, na itinampok niya sa kaniyang social media platforms.

Ayon sa emoji mosiac artist na nagngangalang ‘Rener Cabatas,’ gumamit siya ng 875 na piraso ng iba’t ibang tansan, pinagdikit-dikit ito, hanggang sa mabuo ang mukha ng pangulo. Kung titingnan, talagang kuhang-kuha niya ang histura nito! Sinimulan daw niya itong gawin noong 2020.

Imahe mula sa Facebook account ni Rener Cabatas

May disclaimer naman siya para sa lahat.

“Hope you don’t hate the artist because of the subject! Give love and respect instead!” saad ni Cabatas.

Hindi naman naiwasan ng mga netizens na humanga at purihin ang likhang-sining ng mosaic artist.

Sabi ng isa, “Naalala ko yung activity dati sa subject na HELE noong elementary. Gawa rin sa tansan na pagpagan ng tsinelas/sapatos. Parang ganito din. Ipagpatuloy mo lang iyan, sir!”

“Tiyak na malayo ang mararating mo. Saka environment-friendly ka pa kasi nawawala ang mga tansan na hindi naman natutunaw basta-basta,” wika naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Mga ganitong talento dapat ang ipinagmamalaki at pinasisikat! Congrats sa artist. Ang galing-galing mo po! Request ko lang, sana naman mukha naman ni VP Leni Robredo ang gawan mo ng mosaic art gamit ang emoji o kahit tansan din para mas masaya.”

“Mga tansan pala ‘yan? Nice! Ang galing. Mas okay na iyan kaysa naman sa pakalat-kalat ang mga tansan na nakakadagdag pa sa mga pagbaha. Ipagpatuloy mo lang iyan, sir!” turan naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account/Instagram account ni Rener Cabatas

Bago gumamit ng mga tansan, nakilala muna si Cabatas sa paglikha ng mosaic painting gamit ang mga emoji. Umabot sa 22,800 na emoji ang ginamit niya para mabuo ang emoji mosaic art tampok ang Pinor rapper na si Ez Mil, gayundin ang mukha ni Senador Manny Pacquaio.