Mga nakaka-miss na ‘kalokohan’ sa panahon ng face-to-face classes sinariwa ng mga netizens




Imahe mula sa Facebook page na Klasik Titos and Titas of Manila
  • Nagdulot ng saya at nostalgia ang mga throwback photos sa isang Facebook page
  • Tampok ang iba’t ibang ‘kalokohan’ ng mga mag-aaral noong face-to-face pa ang mga klase
  • Marami naman sa mga netizens ang nagbahagi ng kanilang ‘patotoo’ at kuwento hinggil dito

Iba pa rin talaga ang pagtuturo at pagkatuto na nasa loob ng mga silid-aralan sa paaralan at hinding-hindi ito mapapantayan ng online classes at modular approach. Bukod sa personal at pisikal na karanasan sa pagtatamo ng mga kaalaman at pakikihalubilo sa mga kaklase at guro, isa rin sa mga nakaka-miss ang ilang mga ‘kalokohang’ ginagawa ng mga mag-aaral. Sabi nga, hindi masaya ang buhay elementarya o hayskul kung hindi ito naranasan.

Kaya naman, sinariwa ng mga netizens ang iba’t ibang kalokohang tipikal na ginagawa ng mga mag-aaral noong nasa ‘Dating Normal.’ Makikita ito sa Facebook page na ‘Klasik Titos and Titas of Manila.’

Imahe mula sa Facebook page na Klasik Titos and Titas of Manila

“Ito talaga ang isa sa mga rason kung bakit masaya mag-face-to-face classes. Hindi kumpleto childhood mo kung hindi mo naranasan ‘to,” saad sa caption.

Dagdag pa, “May ganito ba sa private? Madalas kasi ito sa aming laking public hahaha.”

Kalakip ng post ang iba’t ibang mga larawan ng sinasabing ‘akto ng kalokohan’ sa loob ng paaralan, gaya ng paglalagay ng malaking tipak ng bato sa loob ng bag ng kaklase, o kung hindi man bato, iyong bunot o coconut husk na ginagamit sa pagpapakintab ng sahig ng silid-aralan. Nariyan din ang pagtali sa mga handles ng bag sa likurang bahagi ng upuan.

Aliw na aliw naman ang mga netizens at syempre, kaniya-kaniya rin silang paandar ng kanilang mga pa-throwback kalokohan noong sila ay mga mag-aaral pa.

“Hahaha relate! Pati bakal ng nasirang upuan ilalagay sa bag bago umuwi sa mga kawawang classmates, hahaha, nakaka-miss naman! Kumusta na kaya yung mga loko-loko kong classmates?” pagbabahagi ng isa.

Turan naman ng isa na tipong taga-pribadong paaralan, “Mas sosyal lang kapag private, tipong flat screen TV yung ilalagay sa bag mo, hahaha.”

Imahe mula sa Facebook page na Klasik Titos and Titas of Manila

“Actually college na ko noon. yung kuya ko, mahilig din mantrip na ganyan. Lalagyan ng garlic, onion, etc. yung bag ko sa school. One time, hindi ko alam nilagyan niya ng bunot yung bag ko. Noong nasa school na ko, nag- inspect ng gamit ang guard sa gate. Natawa kami pareho tapos sabi niya ‘Cleaner ka?!’ Inis na inis ako noon, pero ngayon tinatawanan ko na lang!” pagsasalaysay naman ng isa.

Sana lang matapos na talaga ang pandemyang ito upang makabalik na tayo sa ‘Dating Normal’ ng pag-aaral. Iba pa rin ang face-to-face classes, hindi ba? Walang kasing saya!

Source :

Facebook