Mensahe ng netizen sa mga batang nakatoka sa gawaing bahay: “Hindi kawawa ang batang inuutusan sa gawaing bahay”




Larawan mula sa Facebook page ni Lorenz Raphael
  • Isang mensahe ang iniwan ng isang netizen para sa mga batang nauutusan sa mga gawaing bahay
  • Ayon sa viral post, hindi naman daw kawawa ang mga batang nauutusan sa gawaing bahay
  • Mas kawawa raw ang mga batang walang alam na gawin, kabilang ang mga gawaing bahay

Bahagi na ng tungkulin ng mga anak ang tumulong sa mga gawaing bahay. Sa mga pamilyang walang kasambahay, bawat miyembro ng pamilya ay nakatoka sa iba’t ibang gawain upang mas mapagaan ang mga tungkulin nina nanay at tatay.

Gayunman, hindi talaga maiaalis na kung minsan, nagkakatamaran sa pagkilos lalo na ang mga bata. Siyempre nga naman, bilang bata, gusto mo ring maglaro, mag-aral, at gawin ang gusto mo. Kung minsan nga, mabigat na obligasyon ang tingin ng ibang anak sa ganitong sistema.

Larawan mula sa Facebook page ni Lorenz Raphael

Ngunit lingid sa kaalaman ng mga batang nauutusan sa gawaing bahay, ito ay nagsisilbing paghahanda lamang sa mas malalaki pang responsibilidad na haharapin nila sa kanilang pagtanda.

Ito ang naging laman ng post ng netizen na si Lorenz Raphael. Nagbigay siya ng mensahe sa mga batang may nakatokang gawain sa bahay. Ayon sa kanya, hindi kawawa ang mga ganitong batang nauutusan, kung hindi mas kawawa ang mga batang walang alam sa bahay at buhay.

“Hindi kawawa ang batang inuutusan sa gawaing bahay. Ang kawawa ay ‘yung batang lumalaki na walang alam sa buhay,” hayag ni Lorenz sa post kalakip ang mga larawan ng mga batang gumagawa ng iba’t ibang gawain sa bahay.

Dahil dito, agad na nag-viral sa social media ang nasabing post. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang higit sa 3,300 reactions, 400 comments, at 28,000 shares ang nasabing post. Kanya-kanyang bahagi ng karanasan ang mga netizen.

Larawan mula sa Facebook page ni Lorenz Raphael

Ayon sa ilan, noong bata sila, talaga namang limitado lang ang oras nilang maglaro dahil marami silang tungkulin sa kanilang bahay sa probinsya. At dahil daw dito, lumaki silang may tiyaga at may alam sa mahahalagang gawain lalo’t may sarili na rin silang pamilya.

Ang gawaing bahay ay itinuturo na rin sa paaralan sa kasalukuyan. Kasama sa kurikulum ng Department of Education (DepEd) sa asignaturang Technology and Livelihood Education (TLE) ang iba’t ibang gawaing bahay tulad ng paglalaba, pagluluto, pananahi, at pagpaplantsa.

Ikaw, ano-anong gawaing bahay ang nakatoka sa iyo noon?