“May food ka na, may comic relief pa:” Mga patawang taglines ng isang community pantry sa Cavite kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook post ni Marvin Garcia
  • Bukod sa pamamahagi ng mga pagkain at iba pang goods, good vibes din ang hatid ng isang community pantry owner sa Silang, Cavite
  • Idinaan niya kasi sa patawang paraan ang pagpapaalala sa mga tao sa pagkuha ng iba’t ibang bagay sa pantry table
  • Hango raw ito sa nag-viral na mga babaeng ‘namakyaw’ ng mga goods sa isang community pantry

Hindi na talaga mapigilan o maawat pa ang ‘hawahan’ ng paglulunsad ng mga community pantries sa iba’t ibang lugar, barangay, at lalawigan na may iba’t iba ring bersyon. Nagsimula ang lahat sa Maginhawa Community Pantry sa Quezon City, at simula noon ay nagsunod-sunod na ito.  Sumikat na rin ang tagline nito na ‘Magbigay ayon sa kakayahan, Kumuha batay sa pangangailangan.’

Kaya naman, naisipan ng organizer na si Marvin Garcia na lagyan ng witty o patawang taglines ang kaniyang community pantry na itinayo niya sa Silang, Cavite. Tinawag niya itong ‘Stock Box Community Pantry’ na may mga katawa-tawang paalala na naka-display sa kaniyang pantry table.

Imahe mula sa Facebook post ni Marvin Garcia

“May food ka na, may comic relief pa,” aniya sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Abril 23, 2021.

Inamin niyang naging inspirasyon niya rito ang  nag-viral na video ng anim na babae na kinuha ang lahat ng laman ng isang community pantry.

Nilalayon lamang nina Garcia at ng kaniyang samahan na maipabatid sa madla na mahalaga ang pagsunod sa sikat na tagline ng community pantry, na ginawa ni Ana Patricia Non, na siyang naglunsad ng Maginhawa Community Pantry. Paglilinaw niya, wala silang layuning maka-offend ng iba.

Nilagyan niya ng paskil na paalala o taglines ang bawat items o goods na nakalapag sa kanilang community pantry table.

Para sa mga bawang, “Isa-isa lang po sa bawang, hindi po totoo ang aswang. Para sa mga ketchup, “Kumuha ng pansawsawan, hindi pang-spaghetti.” Para naman sa mga de-lata, “Isa-isa lang ang de-lata, upang ‘di masira ang abrelata.”

Paalala naman para sa mga asukal, “Isang pack lang ang asukal, mahal ang insulin.” At syempre, para naman sa mga itlog, “Kumuha lang ng pang-umagahan, hindi pang-leche flan.”

Sa seryosong pagtanaw, may mensahe naman si Garcia para sa lahat.

Imahe mula sa Facebook post ni Marvin Garcia

“Help others. It will be an encouragement to those you help and motivation for your own journey. Never underestimate the difference you can make in the lives of others. Helping one person might not change the whole world, but it could change the world for one person,” aniya.

Dagdag pa niya, “We believe the world is one big family and we should be lifting each other up and cheering each other on. Let’s all step forward, reach out, and help. A little goes a long way.”

Kudos, Sir Marvin Garcia! Higit pa sa mga patawa ninyong taglines, dapat kayong pamarisan ng lahat.