‘Mala-tunay na Kapatid:’ Netizen pinasalamatan ang delivery rider matapos siyang bilhan ng gamot




Imahe mula sa Facebook post ni Diane Francheska Ombac
  • Pinasalamatan ng isang netizen ang isang delivery rider
  • Napagkamalan niya kasi itong kapatid niya at nagpabili siya ng gamot sa hika
  • Binilhan naman siya nito subalit hindi na pinabayaran ang shipping fee

Isa na namang patotoo ang ibinahagi ng isang netizen sa social media, na maaari nating maging kapatid ang isang tao kahit hindi natin ito kadugo o tunay na kamag-anak.

Isinalaysay ng netizen na si ‘Diane Francheska Ombac’ sa kaniyang Facebook post kung paano siya tinulungan ng isang delivery rider na nagngangalang Ronald Bacani, matapos niyang ma-‘wrong send’ dito at  mapagkamaliang ang kausap niya ay kapatid na lalaki.

Imahe mula sa Facebook post ni Diane Francheska Ombac

“Hello kay Kuya na mabait na naabala sa katangahan ko (emoji) sorry hirap na hirap na talaga ko kanina. Akala ko kapatid yung natext ko. Akala ko rin siya talaga kaya noong sinabi niyang malayo na siya, hindi na ko nagreply. Bumalik si Kuya, binilhan niya ko tapos hindi siningil yung shipping,” saad ng netizen sa kaniyang post.

Kalakip ng kaniyang post ang image capture ng kanilang pag-uusap sa text. Makikitang pinaalalahanan pa ng delivery rider na si Ronald ang netizen na huwag kumain ng mga mamantikang pagkain, upang hindi mag-trigger ang kaniyang hika.

Kinabukasan, dahil trending ang post ni Diane, nagpadala ng kaunting pameryenda ang netizen sa mapagmalasakit na delivery rider.

“Hello Diane. Gulat ako sa post mo yesterday morning pero maraming salamat sa pag-appreciate. Pagaling ka. Keep safe and God bless you. Again, maraming salamat!” tugon ng delivery rider.

Nagpasalamat naman si Diane sa mga concerned netizens na nagpadala ng kaunting ‘pakimkim’ para kay Ronald, bilang pasasalamat.

Imahe mula sa Facebook post ni Diane Francheska Ombac

“On behalf of Kuya Ronald, thanks to everyone who helped. Let us all pay it forward. Thank you Kuya Ronald for showing us that there’s still hope after all. Thank you Lord for people like Kuya,” saad niya sa kaniyang bukod na Facebook post.

Patuloy pa ang pagdagsa ng mensahe mula sa mga netizens na sana ay dumoble o dumami pa ang mga kagaya ni Ronald, lalo na sa panahon ngayon na kailangan natin ang inspirasyon sa ating kapwa.

Kudos sa iyo, Sir Ronald Bacani! Mabuhay po kayo! Isa kang tunay na kapatid!