Magkaibigan ginawang coffee shop ang ancestral house




Imahe mula sa Facebook page ng Kasa Antigua Cafe
  • Pinag-uusapan ang kakaibang coffee shop ng dalawang magkaibigan sa Cavite City
  • Makalumang panahon ang ambiance dito dahil ginawang coffee shop ang ancestral house
  • Tinawag itong ‘Kasa Antigua Cafe’

Patok sa mga ‘kapetid’ o coffee lovers ang itinayong coffee shop ng dalawang magkaibigan sa Cavite City noong Abril 7, 2021, matapos nilang dumiskarte at magbaka-sakaling magnegosyo, dahil pareho silang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Ang nakatutuwa pa sa ideya ng business partners na sina Darlon Castor at Ivan Reyes, ginawa nilang coffee shop ang ancestral house o sinaunang tahanan ng mga ninuno ni Reyes, kaya tinawag nila ang kanilang negosyo na ‘Kasa Antigua Cafe.’

Imahe mula sa Facebook page ng Kasa Antigua Cafe

Ayon pa kay Ivan, kasalukuyan silang nakatira sa nasabing ancestral house. Dahil sumakabilang-buhay na rin ang kanyang ama, nagpaalam muna siya sa kanyang mga tiyuhin para sa plano nilang maging coffee shop ang lumang tindahan sa harapan ng kanilang ancestral house.

Higit 20 taon nang magkaibigan sina Darlon at Ivan, na nagsimula pa noong sila ay nasa elementarya. May alam sa pagtitimpla ng iba’t ibang variant ng kape si Darlon dahil dati siyang barista habang si Ivan naman ay seafarer.

Patok sa mga customers ang ambiance na presko at makalumang panahon, lalo na’t talaga namang hindi na nila pinakialaman ang bubungan at mga bintanang kapis nito. Nakadagdag pa ang pagpapatugtog nila ng mga kundiman at mas binabaan din nila ang presyo ng kanilang produkto. Unang nilabas nila ay ang iced coffee, hot coffee, pati na rin ang french toast at grilled sandwich.

Hindi nila inasahang dadayuhin at tatangkilikin sila ng mga tao. Masaya sila dahil marami umano ang nabigyang-inspirasyon sa kanilang ginawa.

Imahe mula sa Facebook page ng Kasa Antigua Cafe

“Huwag mong pagbawalan ang sarili mong uminom ng kape. Sa kape na nga lang bumibilis ang tibok ng puso mo, ipagbabawal mo pa. Kaya tara kape tayo”; saad sa isa sa mga ‘hugot lines’ nila sa social media.

Anila, patuloy silang mag-iisip ng mga pakulo para mas lalong tangkilikin ng tao. Kaya naman, sa tuwing sila ay magsasara, sumasayaw sila at ipino-post nila ito sa social media bilang pasasalamat sa mga customers.

Ayan at nakaabot na rin sa kaalaman ng Kapamilya network!