Larawan ng tatay na suot ang maruming pantrabaho habang bumibili ng laruan para sa anak umantig sa netizens




Larawan mula sa Facebook page na El Hombre
  • Trending sa social media ang larawan ng isang amang bumibili ng laruan para sa anak
  • Suot pa kasi nito ang marumi niyang pantrabaho habang nakapila sa isang department store
  • Dahil sa larawan, maraming anak at mga magulang ang naka-relate 

Anumang estado sa buhay, hindi mapapantayan ang pagmamahal ng isang magulang sa kanilang mga anak. Kaya naman kahit anong hirap ang pagdaanan ng mga ito ay kakayanin, maibigay lamang ang kaligayahan at pangangailangan ng kanilang mga anak.

Ito marahil ang dahilan kung bakit trending ngayon sa social media ang larawan ng isang tatay na huwaran ng pagmamahal para sa anak.

Larawan mula sa Facebook page na El Hombre

Sa isang post ng Facebook page na El Hombre, makikita sa isang larawan ang isang tatay na nakapila sa isang department store suot ang kaniyang maruming damit pantrabaho. Ang nakaantig sa tagpong ito ay mayroong hawak na laruan ang ama para sa kaniyang anak na babae.

Simple man ang larawan at halatang kinuhanan lamang gamit ang camera sa cellphone, ngunit nanaig naman ang makabuluhang mensahe nito. Ipinakikita ng larawan na ang isang simpleng laruan ay makapagpapasaya sa anak. At maaaring ang laruang iyon ay pinagbuhusan ng pag0d at enerhiya ng isang magulang upang maibigay sa anak dahil hindi naman lahat ay may kapasidad na makabili agad ng mga materyal na bagay.

“We do not know the effort behind a detail,” caption ng viral na larawan mula sa bansang Spain. Hindi man kuha sa Pilipinas ang larawan ay naka-relate naman ang maraming Pinoy dito.

Dahil din sa larawan, nagkaroon ng pagkakataon ang ilang netizens na magpaabot ng pasasalamat sa lahat ng sakripisyo ng kanilang mga magulang upang mabigyan sila ng disenteng buhay sa kabila ng mga pagsub0k.

“That’s why we value our parents. No one knows the efforts they make daily only to see us happy and get us through from childhood. Thanks dad. Thanks mom!” sabi ng isang netizen.

Larawan mula sa Pexels

Ni-reshare naman ng page na Ang Realidad ang nasabing larawan. Dito ay nagpahayag din ang mga Pilipino ng kanilang karanasan bilang magulang.

Ayon sa isang netizen na nag-share ng post, kamakailan daw nang namimili siya para sa ECQ, napagtanto niyang puro para sa anak ang naipamili niya at wala para sa sarili. Iba na raw talaga ang prayoridad kapag isang magulang na.

Isang pagsaludo sa lahat ng mga magulang na walang sawang nagmamahal sa kanilang mga anak!