#LahatEssential: Fraternity namigay ng pansit, sopas at champorado sa mga frontliners sa Bulacan




Imahe mula sa facebook acocunt ni Julius Maquiñana
  • Nagpakain sa mga frontliners ang isang fraternity sa Bulacan
  • Nagluto sila ng mga tipikal na pagkain gaya ng champorado, sopas, at pansit
  • Naghatid naman ito ng inspirasyon sa lahat

“Champorado, sopas and pansit are essentials.”

Matapos ang isyu ng pagkuwestyon ng isang barangay official sa isang delivery rider na nag-deliver ng lugaw sa Barangay Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan, na nagpasikat naman sa hashtag na #LugawIsEssential, nagtuloy-tuloy na ang libreng pakain ng isang fraternity sa naturang lungsod, para sa mga magigiting na  frontliners.

Imahe mula sa Facebook acocunt ni Julius Maquiñana

Ibinahagi ng isa sa mga kasapi ng ‘Taugamma Phi Triskelion’ fraternity na si Julius Maquiñana ang kanilang pagtulong sa mga frontliners na nasa iba’t ibang bahagi ng San Jose Del Monte, Bulacan. Sopas, champorado, at pansit ang kanilang niluluto para sa kanila.

Ito ay simpleng paraan lamang daw nila upang makatulong sa kanilang mga kababayan, lalo na sa mga frontliners na matagal-tagal na ring nagsasakripisyo para sa mga tao.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Good job! Salute! Iyan ang tunay na essence ng kapatiran, ‘yung hindi lang sa puro kaastigan. Tumutulong sa panahon ng pangangailangan. Pagpatuloy lang po iyan, pero sana panatilihin pa rin ang social distancing, iwasang magkaroon ng mass gathering, at mag-sanitize. Mag-ingat din po kayo!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sana all ng ka-brod ninyo ganyan. Yung iba kasi, ginagamit ang organisasyon para magyabang. Kinuha motor ng kapatid ko. Pagpunta namin doon, nagtawag ng enforcer para ipahila yung motor. Grabe. Sa maliit na kantong yon, never nagkaroon ng enforcer doon. Pahirapan at almost 1 year bago namin nakuha yung motor. Reason nila, masama raw tumingin kapatid ko. Eh ano gusto ninyo, paopera namin mata niya para cute?”

Imahe mula sa facebook acocunt ni Julius Maquiñana

“Kudos sa inyo mga brod! Patunayan ninyo sa lahat na kapag sinabing fraternity, hindi lang ito tungkol sa hazing, kundi kapatiran talaga,” saad naman ng isa.

Pagbati sa inyo! Sana ay pamarisan pa kayo ng ibang mga samahan at indibidwal.