Kumusta ang bill sa ‘bahay na may snow’? Isang bahay na may napakaraming aircon trending online




Larawan mula sa Facebook page na CarBrazzer
  • Trending online ang isang bahay na napakaraming aircon at sinasabing may snow na raw sa loob
  • Kitang-kita kasi ang 27 outdoor unit ng mga split type aircon na nakalagay sa bahay
  • Kanya-kanyang hula ang netizens kung ano bang mayroon sa bahay at maraming aircon at kung magkano ang bill nila sa kuryente

Lagkit na lagkit at init na init na ang marami sa atin dahil talaga namang napakaalinsangan ng panahon dahil summer na. Iba-iba ang diskarte ng mga Pilipino para kahit papaano’y mapreskuhan. Dahil bawal mag-mall o magpunta sa resort, sa bahay lang nagpapa-cool ang karamihan.

Ang iba, binubuksan nang sabay-sabay ang electric fan sa loob ng bahay para hindi gaanong maramdaman ang init. Habang ang ilan namang medyo nakaluluwag-luwag, air conditioning unit ang kinakapitan para malamigan sa kani-kanilang tahanan.

Larawan mula sa Facebook page na CarBrazzer

Pero kung aircon lang ang pag-uusapan, isang bahay ang bumibida ngayon online dahil hindi lang isa, hindi lang dalawa, hindi lang tatlo, kung hindi 27 aircon units ang mayroon sila! Trending ang larawang in-upload ng Facebook page na CarBrazzer kung saan makikita ang yayamaning bahay na napakaraming aircon.

Makikita sa larawan ang 27 outdoor unit ng isang split-type aircon. Ito ang bahagi ng aircon na inilalagay sa labas ng bahay upang makahinga ang aircon na nakalagay sa loob ng bahay. Kitang-kita sa gilid ng bahay ang nakakabit na aircon.

Ang 21 outdoor units ay makikitang nakalagay sa gilid ng bahay habang ang anim pa ay nasa unahang bahagi, sa bandang gate. Biro ng caption ng Facebook page, mukha raw may snow na sa loob ng bahay na iyon dahil sa dami ng aircon.

Dahil dito, bumenta sa maraming Pinoy ang nasabing post. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang 44,000 reactions, 4,300 comments, at 43,000 shares na ang nasabing post. Kanya-kanyang opinyon at hula ang mga netizen kung anong mayroon sa loob ng bahay.

Larawan mula sa YouTube

Ayon sa ilan, hanga sila sa nag-install ng aircon dahil pulido ang pagkakalinya sa mga outdoor units. Sabi naman ng ilan, baka raw ginawang factory na ang nasabing bahay o baka naman daw storage ito ng kung anumang produktong hindi dapat mainitan tulad ng yelo.

Sabi naman ng ilan, gusto raw nilang makita ang electric bill ng may-ari ng bahay at tignan kung magkano ang binabayaran nila buwan-buwan.