‘Kafe Kultura’ ng isang guro patok sa kalsada




Imahe mula sa Facebook account ni Jeron Tanglaw
  • Tinatangkilik ng mga coffee lovers ang kakaibang kapihan sa Tanauan City, Batangas
  • Tinatawag itong ‘Kafe Kultura,’ isang cute at classy na coffee-selling cart na pagmamay-ari ng isang guro
  • Malalim ang hugot at inspirasyon ng guro kung bakit niya naisipang gawin ang pagtitinda ng kape sa kalye

Gusto mo bang magkape habang ikaw ay naglalakad sa kalye?

Patok na patok ang naisip na negosyo ng gurong si Jeron Tanglaw matapos niyang itayo ang coffee-selling cart niya na ‘Kafe Kultura’ na makikita sa Soledad Park, Darasa, Tanauan City, sa lalawigan ng Batangas. Kahit maalinsangan na ang panahon dulot ng dry season, tinatangkilik pa rin ito ng mga coffee drinkers at lovers: may option naman kasi na hot coffee o iced coffee, sa halagang 39 hanggang 100 piso.

Imahe mula sa Facebook account ni Jeron Tanglaw

Makikita sa kaniyang Facebook post ang paliwanag niya kung bakit niya napiling bumalik sa pagtitinda ng kape, na ginagawa niya pagkatapos ng online classes sa umaga. Aniya, bata pa lamang siya ay sanay na siya sa pagtitinda, dahil sa kaniyang Nanay. Nasanay siya sa paglalako ng mais noon sa mga kalye.

“Isinasama ako ng aking Nanay noon sa pagtitinda ng mais sa kalye. Salat sa pera, eh. Kaya pagkaawas ng paaralan, magtutulak ako ng kariton na may kumukulo pang tubig na pinaglagaan ng mais. Doon ko nakilala ang sweet corn, Japanese at iba pang uri ng mabuhok na mais.”

“Masarap magtinda sa kalye. Maingay. Matao. Nakakawala ng isipin dahil abala ka sa pagsusukli, o pag-aalok sa mga dumaraan sa crossing. Ang puwesto namin ni Nanay noon ay sa sidewalk ng Mercury Drug sa Crossing Tanauan. Kada bumababa ang mga taga Yazaki Torres, asahan mong nagluluningning na ang mga barya sa arinola.”

Subalit kahit gusto niya ang ginagawa niya, may mga tao pa ring ‘makikitid ang pang-unawa,’ lalo na kung ang tingin nila sa ginagawa ay ‘mababang klase.’ Nakaranas daw siya ng pambubuska mula mismo sa kaniyang mga kaklase.

Imahe mula sa Facebook account ni Jeron Tanglaw

“Kaya nang lumaki ako, pinangarap kong maging street vendor muli. Para ipaalam na ang pagtitinda ay hindi masama. Ang pagiging street vendor ay marangal. Ang pagpadyak at pagbaybay sa kalye, tulad ng maraming danas ng kapuwa nating Pilipino ay ang tanging pinagmumulan ng pagkaing ihahain sa hapag ng maraming nagugutom na sikmura.”

“Ngayon, isa ulit akong tindero sa kalye. Hindi ng mais, kundi ng kape. Paano mo nga naman malalasahan ang tamis ng tagumpay kung hindi mo naranasan ang pait ng buhay? Kaunti na lang, ang pangarap kong maging tindero sa kalye ay ilang hakbang na lang. Padyak lang nang padyak mga kaibigan!,” aniya.

Samantala, may masaklap na karanasan pala siya bago niya naitayo ang kaniyang kapihan. Sumakabilang-buhay ang kaniyang lolo noong Pebrero 2021 dahil sa sakit sa puso, at bago raw ito malagutan ng hininga, ay naipagtimpla pa niya ng kape.

“Life is bittersweet. How can we appreciate life’s sweetness without the bitter times?” dagdag pa niya.

Imahe mula sa Facebook account ni Jeron Tanglaw

Bukas ang Kafe Kultura mula 5:00 hanggang 9:00 ng umaga, at mula 4:00 hanggang 9:00 ng gabi.