John Arcilla may panawagan: huwag naman taasan ang presyo ng oxygen concentrator




Imahe mula sa Facebook account ni John Arcilla
  • May panawagan ang aktor na si John Arcilla
  • I-regulate daw sana ang pagtaas ng presyo ng mga oxygen concentrator
  • May nakita raw siyang nagbebenta nito na halos doble na ang presyo mula sa orihinal na SRP

Hindi napigilan ng mahusay at premyadong aktor na si John Arcilla ang kanyang saloobin hinggil sa pagtaas ng presyo ng mga oxygen concentrator, sa panahong mas kailangang-kailangan ito ng publiko, lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.

Ayon sa kanyang Facebook post, naispatan niyang may ibinebentang oxygen concentrator na 32,000 piso ang presyo kumpara sa dati nitong presyo na 17,000 piso lamang, na kitang-kita namang dumoble ang patong. Panawagan niya na ma-regulate sana ang presyo nito, lalo’t talaga namang in-demand ito ngayon lalo na sa mga tinamaan ng COVID-19.

Imahe mula sa Facebook account ni John Arcilla

“Napakasakit na kung kailan walang pera ang tao, ‘yung iba lahat ng pagkakataong negosyohin ang mga health needs ng tao ay ninenegosyo, hindi para sa kaligtasan ng kapwa,” pahayag ng aktor, na unang nakilala sa showbiz sa isang patalastas ng kape.

“Bakit ganito na tayo? Parang mas marami pang nagkakasakit at nababawian ng buhay dahil sa sama ng loob at dahil sa kasakiman ng ina, hindi dahil sa pandemya. Labanan naman natin ang ugaling ganito. Mas kailangan nating maging makatao sa gitna ng krisis na ito,” dagdag pa niya.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“I agree. Just like pork, price of medical-related essentials like oxygen tank must be regulated and monitored by the government. Wala talagang konsyensya yung ibang negosyante kasi,” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Sa panahon natin ngayon, mahirap mabuhay kung wala kang pera, ,maraming mga sakim, walang awa…. ang tanging hangad nila yumaman.”

“Kung may katotohanan man lahat ng ito, walang kasing sama ang budhi ng mga taong nasa likod nito, mga ganid sa pera!” pahayag naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni John Arcilla/Public Domain Image

Hiling pa ni Arcilla na sana raw ay bigyang-pansin ito ng kinauukulan upang hindi mapagsamantalahan ang ating mga kababayang higit na nangangailangan nito.

Si Arcilla ay napapanood pa rin bilang isa sa mga kontrabida ni ‘Cardo Dalisay’ sa FPJ’s Ang Probinsyano na napapanood sa iba’t ibang plataporma ng ABS-CBN, sa free TV at online world.

Kung magiging ‘Heneral Luna’ lamang si Arcilla na isa sa mga markadong papel na ginampanan niya sa pelikula, alam ninyo na ang ibubulalas niya sa mga negosyanteng ito.