Isang pasasalamat: “Titang Ina” o titang taga-alaga ng pamangkin, niregaluhan ng iPhone




Larawan mula sa Facebook post ni Angel Maneja
  • Trending sa social media ang post tungkol sa pasasalamat sa mga titang taga-alaga ng pamangkin
  • Niregaluhan ng cellphone ng isang ate ang kapatid niyang masigasig na nagbabantay sa kanyang pamangkin
  • Kinaaliwan din ang terminong ginamit para sa mga titang nag-aalaga ng pamangkin na “Titang Ina”

Sinasabing ang kulturang Pilipino ay nakaangkla sa pamilya. Pinahahalagahan natin ang magandang samahan ng bawat miyembro at ng mga kaanak. Kaya nga marami pa rin sa mga pamilyang Pilipino ang magkakasama pa rin sa iisang tahanan kahit may sari-sarili ng pamilya ang ilang miyembro.

Kaugnay nito, nakagawian na rin ng mga tito at tita na mag-alaga ng kani-kanilang pamangkin. Para sa marami, ang pag-aalaga sa mga pamangkin ay kaakibat na ng gawain nila sa bahay. Para naman sa ilan, ito ay kanilang libangan dahil talaga namang nakaaaliw na mag-alaga ng mga cute na pamangkin.

Larawan mula sa Facebook post ni Angel Maneja

Ang effort na ito ng mga tita at titong taga-alaga ng mga pamangkin ang nais suklian ng isang ina. Ibinahagi ni Angel Maneja sa kanyang Facebook post ang munting pasasalamat sa kaniyang kapatid na walang sawang nag-aalaga sa kanyang anak lalo na kung abala siya.

Makikita sa post ni Angel ang larawan kung saan iniaabot niya ang isang cellphone sa kanyang kapatid. Ito raw ay pasasalamat niya sa kapatid na inaalagaan ang pamangkin na si Ethan tuwing may kailangang asikasuhin si Angel.

“Thank you sa pag-aalaga kay Ethan sa tuwing may kailangan akong gawin! Deserve mo ‘yan kahit palagi tayong nag-aaway. Mag-aral kang mabuti para kina mama at papa,” pasasalamat ni Angel sa kapatid na tinawag pa nga niyang isang Titang Ina.

Dahil dito, nagkamit ng maraming reactions, comments, at shares ang nasabing post. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang 14,000 reactions, 5,300 comments, at 36,000 shares ang post ng pasasalamat para sa isang Titang Ina.

Larawan mula sa Pexels

Maraming netizens ang napa-sana all. Sino nga ba naman ang hindi matutuwa kung maregaluhan ka ng isang bagong telepono. May mga netizens na nag-tag sa kani-kanilang mga kapatid at humihirit ng regalo.

Para naman sa ilan, kahit daw wala na munang kapalit ang kanilang sakripisyo sa pag-aalaga ng pamangkin. Ito na raw ang paraan nila ng pagtulong sa kanilang mga kapatid na abala sa pagtatrabaho ngayon lalo na’t mahirap ang buhay dahil sa pandemya.

Ikaw, ano ang kuwentong titong ama o titang ina mo?