Invisible 50: Netizen ibinahagi ang matagumpay na ipon challenge sa loob ng tatlong buwan




Imahe mula sa Facebook page ng CFO PESO SENSE
  • Ibinahagi ng isang netizen ang matagumpay na ipon challenge
  • Ito ay ang tinatawag na invisible 50
  • Lahat ng 50 pesos ay agad niyang inilalagay sa alkansya at hindi na ginagastos

Sa panahon ng pandemya, malaking bagay talaga ang may ipon o naitatabing pera upang may magagamit sa panahon ng pangangailangan. Kahit na gaano man kalaki o kaliit ang kita sa trabaho o negosyo, ang mahalaga ay nakapagtatabi.

Kaya naman, iyan ang ibinahagi ng isang netizen sa Facebook page na ‘CFO PESO SENSE.’ ‘Namumula’ ang mga ibinahagi niyang larawan dahil nakakalat ang mga invisible 50 pesos na inipon niya simula Disyembre 2020 hanggamg Marso 2021. Ang terminong ‘invisible’ sa pag-iipon ay nangangahulugang awtomatikong inilalagay sa alkansya ang denomination o halagang nais na ipunin.

Imahe mula sa Facebook page ng CFO PESO SENSE

Sa loob ng halos tatlong buwan, umabot sa 65,000 pesos ang kaniyang naipon. Kapag nasuklian na raw ang pera niya at may 50 pesos, agad niya itong inihuhulog sa kaniyang alkansya. Sikreto raw niya ang pagkakaroon ng maliit na tindahan, pagiging online seller, bukod sa negosyong pahulugan na hindi na niya tinukoy kung ano. Hindi rin siya takot na pasukin ang ano mang raket na mapagkakakitaan.

“Wow nakaka-inspire ka naman sender, ang daming red, sana lahat katulad mo great job,” karaniwang reaksyon ng mga netizens sa kaniyang ibinahagi.

Ang nagbigay sa kaniya ng ningas upang pagsumikapan ang pag-iipon at pagsisipag ay ang mga pangarap sa buhay.

“Maraming pangarap sa buhay kaya kahit anong pwede pagkakitaan go lang. Kung anong pumapasok sa isip ko,  ibebenta, go ako, kasi kung ‘di ka susugal para sa pagnenegosyo, ‘di mo malalaman kung talo o panalo ka. Ukay-ukay, bigas, plastic ware, itlog—kahit ano. Hindi ako mapakali kapag wala akong income maliban sa tindahan ko.

Regular naman daw sa trabaho ang asawa niya kaya ang ano mang kita niya ay itinatabi na lamang niya para magsilbing ipon nila. Sa ngayon, nakapagpundar na sila ng segunda manong kotse, motor, at e-bike.

Imahe mula sa Facebook page ng CFO PESO SENSE

Ang susunod na target na raw nila ay makabili o makapagpagawa ng bahay.