Hipon Girl ng Wowowin, negosyante na; susubok uli sa food business tatlong taon matapos siyang malugi




Larawan mula sa Facebook post ni Herlene Hipon Budol
  • Ready na si Herlene Budol, aka Hipon Girl, sa kanyang bagong achievement at investment
  • Nakatakdang buksan ni Hipon Girl ang kanyang negosyo, na comeback niya sa pagtitinda matapos ang tatlong taon
  • Salaysay ng Wowowin host, tatlong taon ang nakalilipas nang buksan niya ang isang negosyo ngunit nalugi siya

Hindi maitatangging malaki ang ipinagbago ng pamumuhay ni Herlene Budol na mas kilala bilang si Hipon Girl matapos siyang sumali sa game show na Wowowin. Marami ang naaliw sa natural at walang kaarte-arteng si Hipon.

Dahil dito, naging regular co-host siya ni Willie Revillame, nagkaroon ng sariling kanta, nakagawa ng ilang programa sa TV, nagkaroon ng endorsements, at isa sa mga pinakakinaaaliwang vloggers sa YouTube.

Larawan mula sa Facebook post ni Herlene Hipon Budol

Maliban sa mga ito, may panibagong achievement ang Kapuso host. Muling sasabak sa negosyo si Hipon tatlong taon matapos malugi ang munting negosyong sinimulan niya.

Sa magkakasunod na Facebook post, ibinahagi ni Hipon sa kanyang fans at followers ang kanyang bagong naipundar.

Makikita ang maliit ngunit magandang puwesto ni Herlene kung saan makikita ang pangalang “HipOn” na pangalan ng negosyo niya. Ngunit kahit HipOn ang pangalan ng negosyo, manok naman ang ititinda rito ng TV personality.

Sa isang post kasi, binalikan ni Hipon ang kanyang unang sabak sa pagnenegosyo. Tatlong taon daw kasi ang nakalilipas, nagtayo rin siya ng munting negosyo kung saan nagtitinda siya ng pritong backbone ng manok o “backbone-nan.” Tinawag niya ang negosyo niyang “Chicks.”

Hayag ni Herlene, nalugi raw siya rito ng P15,000. Ipon niya raw ito at hindi pa siya artista noon kaya hindi pa siya masyadong kilala. Kaya naman ngayong taon, mas engrande na ang pagbabalik negosyo ni Hipon dahil maganda na ang puwesto niya.

Larawan mula sa Facebook post ni Herlene Hipon Budol

“Ang galing! Three years ago na memories sa akin tong una kong negosyo, backbonan. Nalugi ako diyan P15,000. Wala pa ako sa Wowowin. Until now, trying hard pa rin akong abutin lahat ng mga pangarap ko. Salamat Lord. Di n’yo po ako pinapabayaan. Never give up! Kung kaya ko, kaya mo rin!” post ni Hipon.

Maraming fans naman ni Herlene ang natutuwa sa pagsusumikap ng kanilang idolo. Ayon sa kanila, magandang ehemplo si Herlene sa kabataan at sa mga bagong artista na patuloy na mag-invest sa mas mahahalagang bagay tulad ng negosyo.