Ginang sa P1000 ayuda kahit 7 ang miyembro ng pamilya: “Saan makakarating? Saan ang sinasabing 4k kada family?”




Larawan mula sa Facebook post ni Arlene Borromeo
  • Trending ngayon sa social media ang post tungkol sa diumano’y hindi makatarungang ayuda sa isang pamilya sa Antipolo
  • Ayon sa post, pito umano ang miyembro ng pamilya ng isang ginang ngunit isang libong piso lamang ang nakuha niya
  • Tumaas naman ang kilay ng maraming netizens dahil batid nila ang pangako ng pamahalaan na hanggang apat na libong piso ang ayuda

Dahil sa lumalalang kas0 ng mga tinatamaan ng C0VID-19, minarapat ng pamahalaan na muling magpatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) at mga karatig na lalawigang Bulacan, Cavite, at Rizal.

Kasunod ng pagdedeklara ng “ikalawang season” ng ECQ, inanunsiyo ng Malacañang na makatatanggap muli ang bawat pamilya ng apat na libong piso, depende sa bilang ng miyembro.

Larawan mula sa Facebook post ni Arlene Borromeo

Gayunman, tila hindi naman naipapamahagi nang maayos ang ayuda at hindi naibibigay ang dapat na halaga batay sa mga reklam0ng ibinabahagi ng mga netizen sa social media. Isa sa mga trending post tungkol sa diumano’y hindi patas na pamimigay ng ayuda ay ang post ni Arlene Borromeo.

Bagama’t nakangiti ang ginang sa larawang ibinahagi, ibinuhos naman ni Arlene ang kaniyang damdamin sa caption. Ayon sa netizen mula sa Upper Antipolo, isang libong piso lamang ang natanggap ng ginang; taliwas sa utos ng Palasyo na hanggang apat na libo ang pinakamalaking makukuha kung apat o higit pa ang miyembro ng pamilya.

Bulalas ni Arlene sa post, saan daw makararating ang tulong na isang libong piso kung lima ang anak ng nakatanggap. Iginigiit din niya ang pangako ng pamahalaan na apat na libong piso kada pamilya.

“1k, 7 members (of) the family… Saan makakarating? May limang anak tapos silang mag-asawa. Asan ang sinasabing 4k kada family? Dito po ito sa Upper Antipolo,” saad ni Arlene sa kaniyang viral post na mayroon nang 11,000 reactions, 12,000 comments, at 80,000 shares habang isinusulat ang istoryang ito.

Larawan mula sa PNA

Nakisimpatiya naman ang maraming netizens sa ginang. Ayon sa kanila, hindi makatarungan ang naging pamamahagi ng ayuda dahil malinaw naman ang utos ng nasyonal na pamahalaan. Hindi kasi raw talaga sasapat ang isang libong piso sa pangangailangan ng bawat pamilya ngayon.

Ang ibang netizens naman, sinasabing “masuwerte” pa si Ate dahil nakatanggap siya kahit isang libo dahil sila raw ay hindi talaga napasama sa listahan ng mabibigyan ng ayuda sa kanilang lugar.

Wala pa namang komento ang pamahalaang lokal ng Antipolo ukol sa isyu.