Delivery rider naispatan ang lolong nagtitinda ng basahan sa lansangan, nanawagan ng tulong




Imahe mula sa Facebook account ni Earvin Jay Esmeralda/Public Domain Image
  • Nanawagan ng tulong ang isang delivery rider para sa iang matandang lalaking nagtitinda ng basahan sa lansangan
  • Batay sa kaniyang obserbasyon, tila hirap na hirap makabenta ang matanda
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Sa lansangan natin makikita ang iba’t ibang mukha at sitwasyon ng buhay. Habang may mga de-kotse o kaya naman ay nag-aabang ng mga pampublikong sasakyan upang makarating sa kani-kanilang mga trabaho, may ilan lamang nag-aabang ng mga bibili sa kanilang paninda, hindi alintana ang katirikan ng araw, o pagpatak ng ulan.

Ibinahagi sa Facebook post ng isang delivery rider na nagngangalang ‘Earvin Jay Esmeralda’ ang larawan ng isang lolong nagtitinda ng basahan sa isang lugar sa Quezon City, at nanawagan siya sa publiko na sana raw ay tulungan ang matanda sa pamamagitan ng pagbili sa kaniyang mga paninda. Nabagbag daw ang kaniyang damdamin dahil parang wala pang benta ang matanda.

Imahe mula sa Facebook account ni Earvin Jay Esmeralda

“Naawa ako kay Tatay, parang wala pa siyang benta, gusto ko sana bumili ng basahan kaso wala pa rin akong byahe, naiisip ko tuloy baka hindi pa rin siya kumakain tulad ko,” aniya.

“Bili naman kayo ng basahan na tinda ni Tatay. Ito lang maitutulong ko sa kanya, ang hikayatin kayo na bumili ng paninda niya,” dagdag pa.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Bumibili po kami lagi sa kanya kapag nadaan po! Sana kayo rin kahit sampu o bente lang!” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Baybayin n’yo lang MRT-7 project, may number ang poste. Araw-araw siya diyan,  basa nga siya kanina umulan eh, buti kahit paano may silungan sa gitna.”

“Palagi ko nadadaanan diyan si Tatay, bumibili rin ako minsan kapag naubos na basahan ng motor ko, nakakaawa nga ni Tatay, ang sipag at parang may problema nga rin sa mata niya, nakita ko,” nababahalang sabi naman ng isa.

Public Domain Image

Hindi nakuha ni Esmeralda ang buong pangalan o pagkakakilanlan ng matanda, subalit ito raw ay madalas na nakapuwesto sa itinatayong bahagi ng MRT-7 sa Lagro Fairview, Quezon City.

Source :

Facebook