Delivery rider na binibigyan ng tip ng mga customers tumutulong din sa mga street dwellers




Imahe mula sa Facebook account ni Iverjericho Quimson
  • Ibinahagi ng isang delivery rider na kahit isang kahig isang tuka lamang siya, hindi pa rin siya nakalilimot na tumulong sa kaniyang kapwa
  • Ano mang tip na natatanggap niya mula sa kaniyang mga customers, ibinibigay niya ito sa mga nararaanang street dwellers
  • Hindi raw niya ito ginagawa upang magpasikat

Sabi nga, kapag pinakitaan ka ng kabutihan ng iyong kapwa, may responsibilidad ka ring ipagkaloob at ipakita ito sa iba, upang magpatuloy ang domino effect ng kabutihan at pamamahagi ng biyaya sa ating kapwa.

Katulad na lamang ng isang nagngangalang ‘Ivanjericho Quimson’ na marangal na nagtatrabaho bilang delivery rider sa City of San Jose Del Monte, sa lalawigan ng Bulacan. Ipinagmamalaki niya sa Facebook page na ‘SJDM Food Express Delivery’ na sa tagal na niya sa kaniyang trabaho, marami na siyang nakaengkuwentrong customers na may mabubuting kalooban, na nagbibigay ng tip sa kaniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Iverjericho Quimson

Kahit isang kahig, isang tuka lamang daw siya, hindi raw siya nakalilimot na tumulong sa mga taong nangangailangan.

“Gawain ko na matagal na po ‘yan, simula last year inaabutan ako ng mga customer ko ng food, bigas at de-lata, pero iniipon ko at ipinamimigay ko na lang, kahit po na isang kahig isang tuka ako,” salaysay niya.

Makikita sa mga larawang ibinahagi niya ang pagtulong niya sa mga street dwellers, sa pamamagitan ng pag-aabot sa kanila ng pagkain o anomang tulong, na iniabot naman sa kaniya ng customers niya bilang tip. Disclamer naman niya, hindi raw siya pasikat o naghahanap ng atensyon. Wala pa man ang pandemya, talagang nasa puso na niya ang pagtulong sa kapwa.

“Salamat sa pag-intindi ninyo, sa lahat ng customers at nakakausap ko, hndi po ako pasikat! Nagfi-free gathering na po ako dati pa since 2002. Maraming salamat po sa mga nag-message sa akin, lahat po kayo ay may kalayaan sa pag- iisip kung ano ang nababasa ninyo at nakikita. Gabayan tayo ng Bathala sa araw-araw,” aniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Iverjericho Quimson

Kudos sa iyo, Kuya! Nawa ay magsilbing inspirasyon ka sa lahat!

Source :

Facebook