Delivery orders ng isang rider pinagtripang sunugin, isa sa mga customer nagmalasakit




Imahe mula sa Facebook account ni Kim Uayan
  • Nabiktima ng panti-trip ang isang delivery rider
  • Pinagtangkaan daw na sunugin ang lalagyanan niya ng mga delivery items, na naging dahilan upang magkaroon ng damage ang kaniyang mga idedeliver na orders
  • Naging mapagmalasakit at maunawain naman ang isang customer

Pinagmalasakitan ng isang customer ang isang delivery rider na pinagtripan ng hindi pa nakikilalang tao, na nagawang sunugin umano ang lalagyanan niya ng mga delivery orders, na naging sanhi upang magkaroon ng pinsala ang mga ito.

Ayon sa Facebook post ni Kim Uayan, ibinahagi niya ito upang maging aware ang mga tao tungkol sa mga ganitong senaryo at sitwasyon. Kuwento niya, may dumating daw na order sa kanilang bahay na nakapangalan umano sa kapatid na babae ni Kim. Nang tanungin niya kung magkano ang kailangang bayaran, nagitla siya sa sinabi ng delivery rider.

Imahe mula sa Facebook account ni Kim Uayan

“Wala na pong bayad pero makikiusap po kasi ako COD (cash on delivery) po sana siya ako po magbabayad, itatanong ko lang po kung magkano yung item, may nagsunog po kasi, yung lagayan ko ng mga item na ishi-ship lahat po ng item may damage babayaran ko na lang yung item ninyo tapos order na lang po kayo pasensya po,” paliwanag ng delivery rider.

Sa halip na siya ang bayaran, ang delivery rider ang magbabayad pa sa customer dahil nga sa pinsala ng order nito, dulot na rin marahil ng kahihiyan sa nangyari.

Naging mapagmalasakit at maunawain naman ang ate ng netizen at hindi na ito pinabayaran sa delivery rider. Masayang-masaya raw ang delivery rider dahil sa pagiging maunawain nila.

Samantala, may panawagan naman ang netizen sa mga taong ‘walang magawa’ sa buhay, na kung hindi fake booking ay panununog naman ang ginagawa. Huwag na raw idamay ang mga taong nagsisipag, nagsusumikap, at nagtatrabaho nang maayos upang may maipantustos sa panahon ng pandemya.

Imahe mula sa Facebook account ni Kim Uayan

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Ano ba ‘yan… pati si kuyang rider na nagtatrabaho nang maayos na nagdedeliver umulan-umaraw ay pinagtitripan pa, bakit hindi ninyo kaya subukang magtrabaho nang marangal para maintindihan ninyo ang hirap. Kayo kaya ang ganyanin, ano ang mararamdaman ninyo? Mga wala ba kayong magawa?” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Grabe di na kayo naawa sa tao, sino kayang walang pusong tao ang gumawa niyan, buti na lang mabait yung customer. Sana gumawa na ng batas na magbibigay-proteksyon sa mga delivery riders na nabibiktima ng fake booking, prank calls, at iba pang mga di-kanais-nais na gawain.”

Sana ay hindi na ito maulit pa sa naturang delivery rider, gayundin sa iba pa!

Source :

Facebook