Bayad para sa online delivery, iniwan ng receiver sa gate dahil may lakad siya; nakuha kaya ng rider?




Larawan mula kay Noe Prisco
  • Pinag-uusapan online ang naging diskarte ng isang netizen na may paparating na order sa panahong may lakad siya
  • Lakas-loob na iniwan ng receiver sa gate nila ang bayad kasama ang isang note para sa delivery rider
  • May paalala rin ito sa mga magtatangkang kumuha ng bayad na hindi naman ang delivery rider

Sa panahon ng pandemya, marami sa atin ang nawiling um-order ng kung ano-ano online. Mula sa pagkain, gamit sa bahay, damit, gadgets, at maging halaman, lahat ay maaari nang mabili sa iba’t ibang online shop at online seller.

Ngunit kahit maituturing na convenient ang pag-order online kaysa sa pagpunta sa malls at iba pang tindahan, kung minsan, suliranin din sa iba ang pag-receive ng order lalo na’t hindi mo kontrolado ang pagdating ng ilan sa mga ito, partikular kung bumili ka sa mga malalaking online store.

Larawan mula kay Noe Prisco

Ganito ang kinaharap ng netizen na si Noe Prisco mula Lipa City, Batangas. Nagkataon kasing ang in-order niya online ay ide-deliver sa araw na mayroon siyang lakad. Wala naman daw siyang mapagbilinang kakilala o kapitbahay kaya dumiskarte na lamang siya para kung dumating man ang order niya, may matatanggap pa ring bayad ang delivery rider.

Napagdesisyunan ni Noe na iwinan sa gate ng kanyang bahay ang perang pambayad para sa kanyang order. Naka-clip ito sa isang note na sinasabing ang perang iyon ay para kay “Kuya Shopee” o sa delivery rider.

Upang hindi naman pag-interesan ng sinuman, may nakasulat ding paalala sa nasabing note. Ayon kay Noe, hindi dapat kuhanin ng sinuman ang pera kung hindi siya ang delivery rider dahil nakikita ng Diyos ang bawat kilos natin.

“For Kuya Shopee! Kung hindi ka si Shopee, ‘wag mo po kukuhanin. Nakikita ka ni Lord,” pahayag ni Noe sa kanyang note na nakalagay sa gate.

Larawan mula sa Shopee

Tagumpay naman ang naging paraang ito ni Noe dahil nakuha naman ni Kuya Shopee ang bayad at iniwan nito ang item na in-order niya. Ayon kay Noe, tawang-tawa naman daw ang rider sa ginawa niya at laking pasasalamat na naroroon pa rin ang pera.

Dahil dito, agad na nag-viral sa social media ang larawan at maraming netizen at online shoppers ang naka-relate. Ayon sa kanila, madalas daw talaga ay sasabay ang delivery ng order mo sa panahong may lakad ka kaya suwerte kung may mapaghahabilinan.