Bata sa Romblon namitas ng gulay para makapag-ambag sa community pantry




Imahe mula sa Facebook account ni Michelle Fetalver Aquino - Manliguez
  • Kinalugdan ng mga netizens ang isang bata sa Romblon
  • Nagkusang-loob kasi siyang mamitas ng mga sitaw upang ilapag sa community pantry na inilunsad ng kaniyang ina
  • Marami ang nagsabing mabuti ang pagpapalaki sa bata

Sabi nga, habang bata pa ang isang tao ay imulat na ito sa magaganda at mabubuting bagay. Ang mga core values o halagahan ng isang tao kagaya ng kasipagan at pagmamalasakit sa kapwa ay unang natututuhan sa loob ng tahanan, kaya mahalaga ang pagiging huwaran ng mga nakatatanda, lalo na ang mga magulang.

Kaya naman sa kaniyang Facebook post, ipinagmalaki ng isang community pantry organizer na si Michelle Manliguez ang kanyang 4 na taong gulang na anak na si Austin Curr, nang mamitas ito ng mga gulay na sitaw sa kanilang bakuran para ilapag sa community pantry sa Barangay Bangon sa bayan ng Odiongan, Romblon.

Imahe mula sa Facebook account ni Michelle Fetalver Aquino – Manliguez

Ibinahagi ni Michelle ang naging pag-uusap nilang mag-ina. Lumapit daw sa kaniya ang anak at inaya siyang mamitas ng mga gulay sa kanilang bakuran, partikular ang sitaw. Sinabi naman niya na may ulam na sila. Subalit namangha siya nang sabihin ng anak na ibibigay nga ito sa community pantry.

“Nakakatuwa lang na sa murang edad, may initiative na siyang tumulong sa iba. Pagpatuloy mo, anak. Kahit minsan makulit ka, proud na proud si Mama sa iyo. Yung maliit na gawa mo napakalaking impact niyan sa iba. I love you,” saad niya.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

“You are blessed Kiddo. Adaption of child to the environment. How the parent raised that child to become a person with a good heart? Magpatuloy!” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Very good kuya.. Nakikita kasi niya sa inyo, kaya very good din si Mama.”

“Good job, Austin! Sinusundan mo ang mga yapak ng Mama mo. You are well-raised by your Mama. Sana madala mo hanggang sa paglaki at pagtanda mo,” saad naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Michelle Fetalver Aquino – Manliguez

Tinawag na ‘Magsikap Bangon’ ang kanilang community pantry. Kuwento niya, kapag may natitirang mga gulay sa hapon ay iniluluto nila ito kinaumagahan at inihahain din sa community pantry para mapagsaluhan ng magkakapitbahay.