Angeline Quinto ibinahagi ang sweet message at pangungumusta sa kaniya ni Sarah Geronimo




Imahe mula sa Twitter account ni Angeline Quinto / Public Domain Image
  • Ibinahagi ni Angeline Quinto ang sweet message at pangungumusta sa kaniya ni Sarah Geronimo
  • Nagpositibo kasi si Angeline sa COVID_19 at kasalukuyang naka-isolate sa bahay at nagpapagaling
  • Pinasalamatan ni Angge si Sarah dahil lagi itong nasa tabi niya at nakikiramay sa oras ng pangangailangan

Nakadagdag sa ‘recovery stage’ ng singer na si Angeline Quinto ang pangungumusta at pag-aalala sa kaniya ng mga kaibigan at katrabaho sa showbiz, matapos niyang ibalita sa publiko at isadokumento sa kaniyang vlog na siya ay positibo sa COVID-19, at siya ay kasalukuyang sumasailalim sa pagpapagaling at isolation sa loob ng kaniyang bahay.

Isa sa mga tuluyang nagpagaan ng kalooban ni Angge ay ang pangungumusta sa kaniya ni Popstar Royalty Sarah Geronimo-Guidicelli, na matagal na niyang kaibigan at katrabaho sa longest noontime show na ‘ASAP Natin ‘To’ ng Kapamilya Network. Ibinahagi niya sa kaniyang Twitter post ang image capture ng palitan ng kanilang text messages.

Imahe mula sa Twitter account ni Angeline Quinto

“Hindi mo nakakalimutan kamustahin ako. Lalo noong nawala ang Mama Bob. Salamat sa ‘yo, Sars (Sarah Geronimo). Ipinost ko ito dahil nagpapasalamat ako na naging kaibigan kita bukod sa katrabaho. Salamat SG. Mahal kita,” saad ni Angge sa kaniyang caption.

Makikita sa ibinahaging image capture ni Angge na kinumusta siya ni Sarah at binanggit nitong napanood ng Popstar Royalty ang update ng una sa kaniyang pakikipaglaban sa COVID-19, sa pamamagitan ng vlog nito. Sinabihan pa siya nito na mag-iingat siya palagi.

Tumugon naman si Angge sa pagsasabing naka-isolate siya sa loob ng kaniyang bahay hanggang Abril 18, 2021. Binati niya si Sarah sa matagumpay na Tala Concert nito, gayundin ang production team na nasa likod nito.

“Pagaling ka Angge at magpalakas. Yakap,” sabi ni Sarah. Gumanti naman ito ng pasasalamat kay Angge dahil sa pagbati nito sa kaniyang Tala Concert, na dahilan kung bakit hindi siya napapanood nang madalas sa ‘ASAP Natin ‘To’ sa mga nagdaang linggo.

“Mag-iingat kayo lagi, Sars. Salamat sobra. God bless you and family Sars,” tugon naman ni Angge. Panghuling tugon naman ni Sarah, “Salamat Angge… God be with you too always. Yakap.”

Public Domain Image

Unang nagkrus ang landas nina Angeline at Sarah noong 2002, dahil pareho silang lumahok sa TV singing contest na ‘Star For A Night,’ kung saan si Sarah ang itinanghal na grand winner, sa pamamagitan ng awiting ‘To Love You More.’ Umere ito sa IBC-13. Ang host nito ay si Asia’s Songbird Regine Velasquez.

Makalipas ang walong taon, muling sumubok si Angeline sa pagsali sa singing contest. Lumahok siya sa ‘Star Power: Sharon’s Search for the Next Female Pop Superstar,’ at siya naman ang itinanghal na grand winner sa pamamagitan ng awiting ‘Patuloy ang Pangarap.’ Umere naman ito sa ABS-CBN.