Ang ganda! Estero de Paco na puno noon ng informal settlers, malinis na ngayon




Larawan mula sa Facebook page ng PRCMO
  • Ibinida ng Pasig River Coordinating and Management Office ang mas malinis na Estero de Paco 
  • Ang Estero de Paco ay bahagi ng Ilog Pasig na noon ay puno ng informal settlers at may maruming tubig
  • Ngunit ngayon ay may sampung taon nang malinis ang nasabing estero na naliligiran na ng mga halaman

Isa sa mga naging sentro ng mga proyekto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paglilinis ng Ilog Pasig. Hindi naging madali ang pagsasaayos ng nasabing ilog dahil maliban sa napakalaki ng sakop nito, ay naging tahanan na rin ito para sa ilang Pilipino at doon na nagtayo ng kani-kanilang bahay.

Ngunit sa tulong na rin binuong Pasig River Coordinating and Management Office (PRCMO), unti-unting naisakatuparan ang paglilinis ng Ilog Pasig at ilang daluyan ng tubig na konektado rito. Kabilang sa mga ito ay ang Estero de Paco sa Maynila.

Larawan mula sa Facebook page ng PRCMO

Sa isang Facebook post, muling binalikan ng PRCMO ang nakamamanghang transformation ng Estero de Paco na nakamit nila noong 2011. Ayon sa post, nang umpisahan daw nila ang paglilinis at pagsasaayos ng estero noong 2009, isang napakalaking hamon daw ito sa kanila noon na tinatawag pa nga nilang “hopeless case.”

Ngunit sa loob lamang ng higit dalawang taon, ang dating bahagi ng estero na puno ng mga informal settlers ay puno na ng mga halaman ngayon. Ang dati ring maitim at maruming tubig ng ilog ay bumabalik na sa luntian nitong kulay.

“From being a hopeless case in 2009 to its bright and promising image today, we can definitely say that Estero de Paco was once an impossible dream turned into achievable reality!” bungad ng PRCMO sa kanilang post.

“On April 7, 2011–exactly 10 YEARS AGO—a brand new Estero de Paco was inaugurated and achieved! Gone are its dark and dirty days of being filled with trash and makeshift houses to make way for a beautiful linear park complete with paved walkways and colorfully painted benches, and adorned with trees, shrubs, and ornamental plants—all currently maintained by the PRCMO River Warriors.”

Larawan mula sa Facebook page ng PRCMO

May mga netizens din na nagpatunay na talaga ngang bumabalik na ang ganda ng Estero de Paco. Maaliwalas na raw talagang dumaan dito. Gayunman, mukhang malayo pa ang lalakbayin upang tuluyang maibalik sa magandang kondisyon ang tubig nito dahil may amoy pa rin umano ang ilog.

Dahil din sa malaking pagbabago ng Estero de Paco, umaasa ang marami na mas marami pang daluyan ng tubig ang malilinis lalo na sa Kalakhang Maynila.