Anak ipinagmalaki ang pagiging masipag at malikhain ng amang senior citizen sa kabila ng karamdaman




Imahe mula sa Facebook page na Home Buddies/Dnk Mlya Dlcrz
  • Marami ang naantig sa pagmamalaki at pasasalamat ng isang anak sa kaniyang amang senior citizen
  • Sa kabila kasi ng sitwasyong pangkalusugan nito, nagagawa pa rin nito ang mga kasanayan sa pagkukumpuni at paglikha ng mga kasangkapan sa bahay
  • Ipinangako ng anak na iingatan niya ang mga bagay na ginawa sa kaniya ng ama

Kung ipinagmamalaki ng mga magulang ang talento, kakayahan at kasanayan ng kani-kanilang mga anak, mas doble rito ang pagmamalaki ng isang anak para sa kaniyang magulang, na kahit nasa dapithapon na ng buhay, ay nagagawa pa ring ipakita ang pagiging malikhain, na bigay ng Poong Maykapal sa kaniya.

Ipinagmamalaki ng isang anak na miyembro ng Facebook page na ‘Home Buddies’ ang kaniyang amang senior citizen, na malakas na malakas pa rin at nagagawa pa rin ang mga nakasanayan niya noon, gaya ng pagkukumpuni at paggawa ng iba’t ibang mga kasangkapan sa bahay.

Ayon sa proud daughter, 65 na taong gulang na ang kaniyang ama.

Imahe mula sa Facebook page na Home Buddies/Dnk Mlya Dlcrz

“Flex ko lang din Erpat kong senior citizen charet! Who loves solihiya? Ito po talent niya noon pa man. Ewan ko ba at bakit hindi ako mahilig mag-flex sa social media. Ngayon ko lang naisipan nang makita ko rin gaano kayo ka-proud sa mga tatay ninyo,” aniya sa post.

“Hindi man tayo suwerte sa ibang bagay o pagkakataon, napakasuwerte naman natin sa magulang natin! Tipid living! Tipid labor, recycled lang sapat na! Handang-handang pagandahin bahay natin. Naks!! Libre na labor, hugs and kiss lang oks na!” dagdag pa niya.

Kalakip ng kaniyang post ang larawan ng kaniyang 65 na taong gulang na ama habang nagkukumpuni at nagreresiklo ng iba’t ibang patapong bagay, tungo sa mas kapaki-pakinabang at bagong bihis na kasangkapan o kagamitan.

“Patapon na upuan, pinulot niya sa basurahan. Ginawang upuan ng piano ko at sinolihiya. Aylabyu bigtime!” saad ng anak na netizen. Halimbawa pa rito, ang lumang sofa ay nagawa nitong crib ng sanggol.

“Lagi siyang mabilis gumawa, ayaw niya nang matagal. Minsan pagtapos ng isa, may papagawa agad sa kanya. Libangan niya lang po talaga ito. Wala kaming business or shop. Sariling skills lang niya talaga,” pagpapaliwanag pa nito.

Imahe mula sa Facebook page na Home Buddies/Dnk Mlya Dlcrz

Sa kabila nito, ang lalong nakabibilib sa kaniyang ama, may iniinda pala itong karamdaman, subalit parang hindi nito alintana ang lahat. Hindi ito naging hadlang upang magawa niya ang mga nais niyang gawin sa kanilang bahay.

“Kita ninyo yung catheter niya? Nakasalpak sa pantog niya iyan due to his diabetes and prostate. Pero look at him.. I’m so proud!”

Nag-iwan naman siya ng sweet message para sa kaniyang ama.

“Parang ‘di nanganib ‘yung buhay ng mahabang panahon ano? Parang ‘di nagbed rest ng ilang taon. Parang kailan lang sobrang payat mo, buto’t balat. Kahit pagtayo mo, hirap na hirap ka. Naka-diaper ka na lang, nanonood ng TV at nagsi-CP na lang.”

“Ngayon, kung ano ka man sa ngayon, dahil iyon kay Lord. Kasi mahal ka Niya at kaming lahat. Palagi kong iniisip na hindi ko kayang mawalan ng magulang. Pero mas hindi ko kakayanin ‘yung pagsisisihan kong wala akong ginawa man lang habang narito kayo at kasama kayo sa mundong ito. Mahal na mahal ko kayo. Salamat, Papa!”

Imahe mula sa Facebook page na Home Buddies/Dnk Mlya Dlcrz

Sa huli, nag-iwan siya ng pangako para sa masipag at mapagmahal na amang senior citizen.

Maraming salamat sa lahat ng effort Papa. Pangako ko, iingatan ko lahat ng nagawa mo. And sana matutuhan ko rin itong skills mo. I’m so so proud of you!! Haribol!”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. Nabagbag ang kani-kanilang mga damdamin, at nagbahagi rin sila ng kani-kanilang mga kuwento at patotoo sa kadakilaan ng kanilang mga tatay.

Kaya habang kasama natin ang ating mga magulang, habang nariyan pa sila sa ating tabi, huwag na huwag tayong makalilimot na sabihin at iparamdam sa kanila kung gaano natin sila pinahahalagahan at minamahal.

Source :

Facebook