68-anyos na ice cream vendor na tumulong sa kapuwa kahit napakatumal ng benta, sinurpresa ng isang vlogger




Larawan mula sa YouTube video ng Team Kasaludo
  • Umantig sa marami ang kabutihan ng isang matandang ice cream vendor na tinanggap ang kulang na bayad ng vlogger sa kabila ng matumal na benta
  • Hindi alam ni lolo sorbetero na isang surpresa ang naghihintay sa kanya dahil sa kabutihang ipinakita
  • Ibinahagi rin ng matanda ang kanyang karanasan sa pagtitinda sa gitna ng pandemya

Malaking dagok na sa bansa natin ang kahirapan. Ngunit sa pagtama ng pandemya, lalong naging pagsub0k para sa marami ang makaraos sa araw-araw. Marami ang nawalan ng trabaho at marami rin ang hindi makapaghanapbuhay nang maayos dahil sa quarantine.

Gayunman, sa kabila ng kalagayan natin ngayon, mayroon pa ring mga taong kahit kapos din ay hindi naman isinasantabi ang pagtulong sa kapuwa.

Larawan mula sa YouTube video ng Team Kasaludo

Ganito ang kuwento ng isang ice cream vendor na bumida sa vlog na Team Kasaludo ni Jhong Diaz. Sa nasabing YouTube video, nagkungwari ang vlogger na kulang ang pambili niya ng ice cream. Tres na lang kungwari ang barya sa bulsa ng vlogger na sakay ng kanyang motor.

Sampung piso ang orihinal na presyo ng sherbet na isa sa tinda ng ice cream vendor. Ngunit ang mabait na tinaguriang Lolo Sorbetero ng Lubao, Pampanga ay pumayag na tres na lamang ang ibayad ng vlogger. Nangamba ang vlogger na baka malugi ang ice cream vendor ngunit pumayag pa rin ito na tres lang ang ibayad niya. Pinayuhan pa niya ang vlogger na tumabi muna at sumilong upang makapagpahinga.

Umalis na kunwari ang vlogger matapos magpasalamat sa matandang sorbetero. Ngunit maya-maya ay binalikan nito ang vendor. Dito ay iniabot ni Jhong ang surpresa niya para sa matanda dahil sa kabutihan ng loob nito.

Isang sako ng bigas at grocery ang natanggap ng sorbetero mula sa vlogger. Hindi na napigilan ng matanda ang mapaluha at magbahagi ng kanyang kuwento. Ayon kay lolo, napakahirap daw talagang magbenta ngayon kaya halos wala rin siyang kinikita.

“Napakahirap magbenta ngayon gawa na kasing walang trabaho yung ibang tao… Kahit sinong tao tiwala ako sa kanila,” saad ng naluluhang matanda na hindi matapos sa pasasalamat dahil malaking tulong daw sa kanila ang handog na tulong ng vlogger.

Larawan mula sa YouTube video ng Team Kasaludo

Napag-alaman sa pamamagitan ng interview ng GMA Public Affairs show na On Record na ang Lolo Sorbetero pala ay si Amado Santos, 68 anyos. Hindi pala nakapag-asawa si Lolo Amado ngunit nasa kanya ang anim na pamangkin na itinuturing niyang anak.

Kahit daw bawal siyang lumabas dahil senior citizen na, hindi raw niya alintana ang banta ng pandemya dahil magugutom daw sila kung hindi siya magtatrabaho. At kahit walang kinikta, handa pa ring tumulong si Lolo Amado sa mga kapuwa niya kapos sa buhay.

Panoorin ang vlog ng Team Kasaludo rito:

Source :

YouTube, Facebook