Young artist gumagamit ng malunggay at buhok sa kaniyang likhang-sining




Imahe mula sa Facebook account ni Jepoy Marcial
  • Isang young artist sa Samar ang may kakaibang likhang-sining
  • Gumagamit siya ng dahon ng malunggay at buhok 
  • Ginawan niya ng art portrait sina Raffy Tulfo, Jessica Soho, at Pangulong Rodrigo Duterte

Maraming paraan upang maipakita ang iba’t ibang talento sa pagguhit o pagpinta, basta’t magiging malikhain lamang. Sino nga ba ang mag-aakalang maaari ding makabuo ng isang likhang-sining o obra maestra sa pamamagitan ng dahon ng malunggay o buhok?

Iyan ang mga materyal na ginagamit ng young artist na si  Jepoy Marcial, 22 taong gulang, mula sa Gandara, Samar. Pangunahing gamit niya ang mga dahon ng malunggay at mismong pinaggupitan ng kaniyang buhok. Makikita sa kaniyang Facebook post ang malunggay artwork na ginawa niya, inspirasyon si Pangulong Rodrigo Duterte, na nakapukaw sa atensyon ng publiko.

Imahe mula sa Facebook account ni Jepoy Marcial

Kuwento niya, nadiskubre daw niya ang talento rito noong siya ay nasa Grade 11 pa lamang.

“Nadiskubre ko po yung talent ko sa art noong ako’ y Grade 11. Pinagawa kami ng teacher ng isang project sa Art kung saan gagawa kami ng kahit anong drawing at ipapaliwanag ito sa harap ng klase. At doon nasubok ang aking sarili at ginawa ko kung ano ang idinikta ng isip ko hanggang sa makabuo ako ng isang imahe kung saan nagustohan naman ito ng aking guro at aking mga kaklase,” paliwanag niya sa panayam.

Sa pagpapatuloy, “Kaya simula noon,  mas nagpursige pa akong pasukin ang mundo ng sining. At sa araw-araw na aking pagsasanay, mas lalo ko pang nagugustuhan ang aking mga gawa hanggang sa napamahal na ako sa art at mas lalo pa akong nag-isip ng iba’t ibang medium na pwede magamit dito.”

Upang maging kakaiba at natatang siya sa iba pang mga kapwa artist, naisipan niyang piliin ang dahon ng malunggay at kaniyang buhok. Isa pa, hindi naman daw kailangang mamahalin ang mga kagamitang pansining upang makabuo ng isang obra.

Imahe mula sa Facebook account ni Jepoy Marcial

May mensahe naman siya sa mga kapwa artist na patuloy na ginagawa ang kanilang craft sa kabila ng pandemya.

“Ang masasabi ko lang po sa mga gaya kong aspiring artist ay magpatuloy lang sila kung ano ang nasimulan nila at mas lalo pa nilang pagyamanin ang kanilang mga talento.”

Bukod kay Pangulong Duterte, ginawan din niya ng hair art portrait ang mga batikang journalist na sina Raffy Tulfo at Jessica Soho.

Pagbati sa iyo, Jepoy! Ipagpatuloy mo lamang ang iyong mga talento!