Netizen nanawagan ng tulong para sa lolong tindero ng relo atbp. sa Bulacan




Imahe mula sa Facebook account ni Francis Levy Castro
  • Nanawagan ng tulong ang isang concerned netizen sa Bulacan
  • Para ito sa naispatan niyang 85 taong gulang na lalaking nagtitinda ng relo at kung ano-ano pang mga abubot
  • Wala kasing sariling puwesto ang naturang kaawa-awang matanda; kapag nakita raw sana siya ng iba pang mga netizens, huwag sanang mag-atubiling bumili sa kaniya

Sinubok ng pandemya ang katatagan ng maraming mga Pilipino, lalo na ang mga breadwinners o mga kasapi ng pamilya na siyang maituturing na tagapagtaguyod o provider. Lahat ay talaga namang naghigpit ng sinturon pagdating sa paggastos ng pera. Kahit mga nakatatanda, naging mas madiskarte para lamang kumita at may maipanustos sa araw-araw na pangangailangan.

Kaya naman, nanawagan ng tulong ang isang netizen na nagngangalang “Francis Levy Castro” para sa nakaengkuwentro niyang lolong tindero na nakilala niya sa pangalang “Tatay Conrado” na nagtitinda ng mga relo, pinaglumaang damit, at kung ano-ano pang mga abubot, sa bangketa o tapat ng isang establisyimiento sa Bulacan. Makikita ito sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Francis Levy Castro

“Sensya ka na ‘Tay walang-wala rin talaga ko eh. Pagpasensyahan mo na yung konting merienda at yung pinaka murang relo mo na nabili ko,” saad niya sa kaniyang caption.

Nanawagan siya sa mga kapwa netizens na kung mapapadaan man sila sa lugar na iyon sa Sampol, San Jose Del Monte, Bulacan, ay mangyaring bumili sila sa mga paninda nito, kung may extra budget naman. Matumal daw kasi ang benta ng 85 taong gulang na matanda.

“Ngayon ko lang siya nakita riyan sa dating bulaluhan sa may taas ng emergency sa Sampol. Baka mapapadpad kayo at may magustuhan kayo. Hindi kagandahan binebenta niya at syempre hindi naman mahal. 85 years old pero pilit pa ring lumalaban sa buhay. Sipagan mo pa ‘Tay! Mag-iingat ka sa daan,” pakiusap ng netizen, kalakip pa ang sikat na linya ni Mother Teresa na “If you can’t feed a hundred people, then feed just one.”

Sa panibagong update ng netizen, nalungkot daw siya sa nalamang pinaalis daw ang matanda sa pinagpupuwestuhan nitong establisyimiento na isang negosyo rin dahil nga naman nakasasagabal sa kanila. Wala kasing sariling stall ang matanda kaya sa tabi ng kalsada na lamang siya nagtayo ng kaniyang puwesto.

Imahe mula sa Facebook account ni Francis Levy Castro

“Nagulat ako na wala na pala sila sa pinupwestuhan nila. Pinaalis daw sila ng may-ari dahil may uupa na raw. Pero ang nakapaskil space for rent at bawal magtinda dito sa harapan. Sinabihan pa raw sila na wala naman kuwenta paninda nila at dapat hindi na nila pinagtitinda ang matanda,” kuwento ng concerned netizen.

Ayon daw sa anak ni Tatay Conrado, mismong ang matanda ang may gusto ng kaniyang ginagawa dahil ayaw niyang maging pabigat; na kung tutuusin, dapat ay nasa bahay na lamang siya at nagpapahinga.

“Sa mga gusto pong tumulong, puntahan ninyo po sila at bumili po kayo sa kanila, malaking tulong na po ‘yun sa kanila. Maraming salamat sa mga nakapansin at tumulong. God bless you all!”

Para sa iba pang mga detalye at impormasyon hinggil sa kung saan matatagpuan si Tatay Conrado, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa social media ng naturang concerned netizen.