Nasubukan mo na bang kumain ng kanin na may hilaw na gata?




Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy---Ngayon at Noon / Public Domain Image
  • Natuklasan ng karamihan na maaari palang ulamin ang sariwang kakang gata sa kanin
  • Iyan kasi ang itinampok sa Facebook page na “Batang Pinoy—Ngayon at Noon”
  • Marami naman sa mga netizens ang nagbahagi ng kanilang mga karanasan hinggil dito

Sanay tayong makarinig ng ulam na may gata gaya ng ginataang kuhol, ginataang kalabasa, ginataang laing, Bicol Express, at marami pang iba. Subalit alam mo bang maaaring ulamin ang kakang gata ng niyog na hilaw pa lamang?

Iyan ang ibinahagi sa Facebook page na “Batang Pinoy—Ngayon at Noon” kung saan makikita ang isang larawan ng isang lalaking nagpipiga ng ginadgad na laman ng niyog, at direktang pinipiga upang lumabas ang kakang gata, sa mismong kanin, kasama ang masarap na mga tuyo o dried fish.

Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy—Ngayon at Noon

“Sino sa inyo diyan naka-try na kumain ng kanin na may gata?” saad na tanong sa caption.

Marami naman sa mga netizens ang nagbigay ng kanilang mga tugon hinggil dito.

“Kami naranasan namin ‘yan kapag nagluto na sina Inang at Itang, tawag namin diyan ay bulosok, masarap ‘yan,” kuwento ng isa.

Turan naman ng isa, “Naalala ko tuloy yung Papa ko, noong maliliit pa kami, kapag wala kaming ulam, iyan ang ginagawa niya, tapos lalagyan ng asin solve na, inom ng maraming tubig sabay dighay. Okay na ‘yun. Wala pa masyadong arte ang mga tao noon. Gawin mo ‘yan ngayon, sabihin pa ng mga bata, ‘yuck!’ pero ‘di nila alam, sarap ‘yan.”

“Sa totoo lang, dahil sa post na iyan, ngayon ko lang nalaman na puwede palang gawin iyan. Hindi ko natikman ‘yan, kadalasang niluluto talaga ng mga magulang namin yung gata ng niyog kaya ‘di ko pa na naranasang kumain ng hilaw na sariwang gata na hinalo sa kanin. Pero dati, puwede rin naming ulamin ang bukayo,” wika ng isa.

Public Domain Image

Pahayag naman ng isa, “Yes I’m one of them, katas ng niyog at bagoong isda okay na sa akin, especially eh bagoong padas with pinigang kalamansi. Laking hirap, hanggang ngayon hirap pa rin pero at least ginagabayan pa rin ni Lord na ligtas sa anomang sakit lalo na itong pandemic.”

Ikaw, nasubukan mo na rin bang kumain ng kanin na may hilaw na gata?

Source :

Facebook