‘Mapagpalayang’ sweet birthday message ni Julia Barretto kay Gerald Anderson pinag-usapan




Imahe mula sa Instagram account ni Julia Barretto / Facebook page ng Department of Transportation
  • Sa unang pagkakataon, nag-post ng sweet message si Julia Barretto para sa kaniyang boyfriend na si Gerald Anderson
  • Nagdiwang ng kaarawan ang aktor nitong Marso 7, 2021
  • Hindi na itinatwa ng dalawa ang kanilang relasyon

Matapos ang pasabog na pag-amin ni Gerald Anderson sa relasyon nila ni Julia Barretto sa pamamagitan ng one on one interview kay King of Talk Boy Abunda, si Julia naman ang nag-post ng “mapagpalayang” sweet birthday message para sa kaniyang nobyo.

Sa Instagram post ni Julia nitong Marso 7, 2021, matapang na niyang tinawag na “My love” si Gerald, kalakip ang kanilang larawan kung saan makikitang nakalapat ang mga labi ni Gerald sa kaniyang pisngi, at tila nasa buhanginan sila, na malamang ay kuha mula sa isa sa kanilang mga bakasyon.

Imahe mula sa Instagram account ni Julia Barretto

“Everyday I celebrate you, but today I am extra grateful. Happy birthday my love, I am SO PROUD OF YOU,” saad sa caption.

Umani naman ito ng samo’t saring mga reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“I’m happy for the both of you. Maging masaya na lang tayo sa kanilang dalawa. You are now both free, kaya hayaan na natin sila,” turan ng isa.

Wika naman ng isa, “Todo deny pa kayo noon? Eh ‘di ano kaya ngayon? Tama nga ang sinabi ni Bea na ‘Time is the ultimate truth teller.”

“Parang proper timing naman ang lahat? Una, lumabas ‘yung Paubaya music video ni Moira na nagkaroon ng closure kina Joshua at Julia, tapos after ilang weeks lang, heto na, lumitaw na ang relasyon nina Gerald at Julia. Parang may something? I don’t know… parang magbe-benefit ang lahat sa ganitong publicity,” saad naman ng isa.

Nitong Marso 7, 2021 ay ipinagdiwang ni Gerald ang kaniyang ika-32 na kaarawan. Magkasama sila ni Julia sa isang relief operation na isinagawa sa Barangay San Agustin sa Iba, Zambales, bilang paraan ng pagdiriwang ng kaniyang kaarawan. Si Gerald ay may ranggong Lieutenant Commander rank sa Philippine Coast Guard Auxiliary.

Makikita ito sa Facebook post ng Department of Transportation.

Imahe mula sa Facebook page ng Department of Transportation

Sa kalagitnaan ng taong 2019, naging kontrobersyal ang hiwalayan nila ni Bea Alonzo, at ang itinuturing dahilan ay si Julia na nakatambal niya sa pelikulang “Between Maybes.” Itinanggi ng dalawa na may relasyon sila at sinabing magkaibigan lamang sila, kahit maingay ang bulung-bulungan na may namamagitan na talaga sa kanilang dalawa.