Vhong Navarro sinariwa ang “Wazzup Wazzup” days




Imahe mula sa Instagram account ni Vhong Navarro / Public Domain Image
  • Na-miss ni Vhong Navarro ang dati niyang comedic-news program na Wazzup Wazzup
  • Co-news anchors niya rito sina Drew Arellano, Archie Alemania, at Toni Gonzaga
  • Napapanood ito sa Studio 23 noong 2004 at nagtapos sa ere noong 2007

Biglang na-miss ng TV host, comedian, at dancer na si Vhong Navarro ang isa sa mga tumatak na TV show niya, ang “Wazzup Wazzup,” lalo na ang mga naging co-news anchors niya rito na sina Drew Arellano, Archie Alemania, at Toni Gonzaga.

“Wazzup Wazzup! Na-miss ko kayo bigla,” saad ni Vhong sa kaniyang Instagram post, kalakip ang throwback photo nilang apat.

Imahe mula sa Instagram account ni Vhong Navarro

Pinusuan naman ito ng mga netizens, at nagkomento naman dito ang tatlo pang co-news anchors niya na sina Drew, Archie, at Toni sa comment section.

“Ka-miss!!! Saya!!!” saad ni Toni Gonzaga sa comment section.

“Mishoooo (Miss you) bro,” sabi naman ni Drew Arellano.

Hindi rin naman nagpahuli si Archie. “Mishu (Miss you) parekoy!”

Marami naman sa mga netizens, lalo na ang mga nakapanood ng Wazzup Wazzup noon, ang nagbigay ng kanilang reaksyon at komento hinggil dito.

“Hala, sabi nga… kung naabutan mo ang Wazzup Wazzup days, puwede ka na mag-asawa! Hahaha. Sana maibalik ito! Dito ko unang naging idol sina Toni Gonzaga at Drew Arellano,” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Kung naabutan mo ang Wazzup Wazzup at alam mo ang gesture, mag-asawa ka na! HAHAHAHAHA. Nakaka-miss ito, grabe! Nostalgic!”

“Diyan mas nakilala ang galing sa hosting at comedy ni Toni G, sana gawin sa Kapamilya Channel iyan, new version ng bagong artists nila,” pakiusap naman ng isa.

Public Domain Image

Ang “Wazzup Wazzup” ay satirical comedy news show na napapanood noon sa Studio 23, na hindi naglaon ay naging ABS-CBN Sports and Action, subalit nang mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN, tuluyan na rin itong nagsara.

Ang orihinal na news anchors nito ay sina Vhong, Archie, at Toni, at di-naglaon, idinagdag na rin si Drew Arellano. Tinatawag na “tadjocks” ang mga field reporters na naghahatid ng tunay na mga balita, subalit ibinabalita sa nakatutuwa at nakaaaliw na paraan.

Nang mga sandaling iyon ay kabilang pa si Toni sa noontime show na “Eat Bulaga” at si Drew naman ay may programa rin sa GMA Network. Dahil sa conflict ng kaniyang mga programa sa Kapuso Network, nagbitiw na lamang bilang host nito si Drew.

Si Toni naman ay naging Kapamilya noong 2005 at naging main host ng Pinoy Big Brother (PBB) Season 1.

Panoorin ang panayam kay Vhong Navarro hinggil sa Wazzup wazzup sa Jeepney TV via YouTube channel: